Naniniwala ako na ang pamunuan ng bagong tatag na Counter Intelligence Task Force (CITF) ng Philippine National Police (PNP) ay marubrob ang pagnanais na mawalis, kundi man nila mapatino, ang mga tiwaling pulis sa kanilang organisasyon. Ngunit sa wari ko ay parang nabibilaukan na sila sa dami ng sumbong at reklamong kanilang natatanggap laban sa kanilang mga kabaro.
Sabi nga ng isang nakausap kong counter-intelligence operative, tungkol sa problema nila sa mga tiwaling pulis: “Para silang punong nakahapay na at mahirap nang maituwid kung hindi mo bubunutin sa kinatataniman!” Nakatatakot na pananalita, dahil alam kong ang puno, kapag binubunot mula sa kinatataniman nito, ay hindi na nabubuhay pa…shades of “tokhang” ba? 'Wag naman sana kasi, para sa akin, kahit pulis pa sila, dapat hulihin, kasuhan, at ikulong na lang kapag napatunayang may kasalanan. Kailan pa ba naituwid ng isa pang pagkakamali ang nauna nang kamalian?
Malabon cops
Tukso namang habang nagkukuwentuhan kami kamakailan sa Camp Crame ng aking kaibigan, isang text message ang kanyang natanggap hinggil sa pagkakaaresto sa 4 na pulis sa Malabon dahil sa kasong mala-“Ninja-type kidnapping/extortion” na ilang araw na ring tinatrabaho ng kanyang grupo.
Isang beteranong intel-operative ang aking kausap. Ang pagtitiwala niya sa akin na kuwentuhan ng kanilang confidential operations ay dahil marahil sa di ko pagbanggit sa kanyang pangalan ni minsan man sa mga artikulong aking isinusulat, lalo pa’t siya ang may malaking papel sa tinatrabaho.
Hindi ko sinayang ang pagkakataon upang makuha ang detalye ng kanilang naging operasyong ma-rescue ang isang biktima ng kidnapping/extortion at masakote ang 4 sa 11 suspek na mga aktibong pulis pala. Tuloy ang operasyon para maaresto ang iba pang mga suspek. Nang makuha ko sa kanya ang mga detalye ng kanilang operasyon, nakita kong isa itong malaking halimbawa kung bakit may mga pulis pa ring nahihikayat na makisawsaw sa ganitong uri ng ilegal na pagkakakitaan.
Malaking halaga kasi ang pinag-uusapan sa tulad nitong parang isang lehitimong operasyon ng mga pulis na pinagkakakitaan pa nila ng milyones. At kapag nakalusot, may pera nang nakurakot, may commendation pang nakukuha, lalo pa’t ang tinatrabaho ay hinggil sa droga na nagbibigay ng mataas na puntos ngayon sa mga operating unit sa PNP. Ito ang nagbibigay ng lakas ng loob nila, 'wag lang masasakote gaya ng nangyari kamakailan.
Girlfriend
Ang tinarget ng grupong ito ay ang girlfriend ng isang nakakulong na pusher/car thief sa Medium Security Compound sa Bilibid. Sinundan daw ng grupo ang mga lakad ng girlfriend, na binansagan ng CITF na si "@Norma," at dinukot nila ito noong isang Sabado, matapos na dalawin sa kulungan ang boyfriend niyang si Raymond Bongabon. Kinontak ng mga suspek ang pamilya ni "@Norma" at sinabihang magbayad ng P2 milyong pampiyansa dahil sa pagkakaaresto nito sa pagtutulak ng droga. Ang piyansang sinasabi ay “ransom” na pala dahil nakuha pa ng mga suspek na pumunta sa bahay ni "@Norma" sa Veterans Village sa Quezon City, pinaghahakot ang mga mamahaling kagamitan ng biktima, at isinakay sa van na tinangay na rin nila.
Nagkaroon pa ng negosasyon sa hinihinging “ransom” – nagkasundo sila sa P1 milyon. Ang boyfriend na si Bongabon ang magpapadala ng pera, ngunit di natuloy ang itinakdang pay-off. Sa halip na kunin ang ransom na P1 milyon, pinag-delicer na lang ng mga tiwaling pulis si "@Norma" ng isang kilong shabu sa isang dating customer daw ng boyfriend nito na isang negosyanteng Chinese. Natuloy ang bentahan ng isang kilong shabu sa isang hotel sa Novaliches, Quezon City, kinalingguhan, ngunit nabaligtad ang sitwasyon: si "@Norma" ang kanilang pinalabas na naaresto, at ang ebidensiya laban dito ay ang drogang ipina-deliver nila rito.
Ang hindi nila alam, sa umpisa pa lamang ng kanilang paghingi ng ransom ay nakipag-ugnayan na sa CITF ang mga kamag-anak ni "@Norma." Agad na naglatag ang CITF ng isang malawakang operasyon katulong ang iba pang operating unit ng PNP, gaya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Northern Police district (NPD), Malabon City Police Station (MCPS), Anti-Kidnapping Group (AKG), Highway Patrol Group (HPG), at Command Security Group (CSG).
Galit na galit si NPD District Director Roberto Fajardo nang makarating sa kanya ang reklamo. Kahit na hindi pa naaaresto ang mga tiwaling pulis ay agad na niyang ipinasibak ang mga ito. Inutusan niya ang kanyang mga tauhan na makipagtulungan sa mga operatiba ng CITF para madakip agad ang mga tiwaling pulis na pawang miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng MCPS.
Bago lumubog ang araw nang araw na iyon, nasakote ang 4 sa 11 pinaghahanap na mga tiwaling pulis. Ang 4 sa kanila – sina SPO2 Ricky Pelicano, PO2 Wilson Sanchez, PO1 Joselito Ereneo, at PO1 Francis Camu – ay pawang mga miyembro ng MCPS-DEU. Ang 7 pang pulis, na napag-alamang mga miyembro naman ng CIDG at CSG, ay nakatakas matapos makaramdam na may mga operatibang dadakma sa kanila. Sinibak na rin sa puwesto ang mga ito, at kasalukuyang nakalatag ang isang malawakang operasyon upang madakip sila.
Dapat gawing sampol ang mga tiwaling pulis na ito para hindi na pamarisan – hindi nang mala-tokhang na parusa, kundi 'yung karapat-dapat lamang at naaayon sa itinakda ng batas. – Rappler.com