Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

#AnimatED: Ang battered-wife syndrome ng Inang Bayan

$
0
0

Tawagin nating siyang Nena. Pinangakuan siya ng kasintahan ng pagbabago: mapayapang buhay na malayo sa panganib. Makakaahon daw siya sa kahirapan. Bibigyang solusyon daw ang kanyang mga problema. 

Malakas ang dating at matamis ang dila ng kanyang kasintahan. Walang duda si Nena na lahat ito’y matutupad. Noong Mayo 2016, ibinigay niya ang kanyang oo.

Bago pa lang ang relasyon, nagsimula na ang kanyang irog na magbiro nang wala sa lugar, at walang puknat magmura. Ginawa niyang biro ang rape. Sabi ni Nena, ganyan lang talaga magsalita ang macho niyang sinta. 

Kasalanan ng mga utak-talangka ang 'di pagkakaintindihan. Hindi nila nauunawaan ang takbo ng pag-iisip ng isang dakilang tao.

'Di nagtagal, napalitan ang paghanga ng lihim na pagkailang at pagkadismaya. Naging tanging depensa ni Nena ang pagbubulag-bulagan. Naging kanlungan niya ang katahimikan.

Pero sabi niya sa sarili, panandalian lang ang sigalot at matutupad din ang pangarap na kanyang inaasam. 

Kritikal ang yugto na ito sa ebolusyon ni Nena bilang isang biktima. Dito niya matututunan ang tinatawag ng psychologists na “learned helplessness.”

“Kahiyaan na ito. Ang laki na ng 'tinaya ko. Ngayon pa ba ako aatras? Napasubo na. Marahil tadhana ko ito,” sabi ni Nena.

Habang tumitindi ang karahasang pisikal at sikolohikal, lalong lumalabo sa mata ni Nena kung alin ang tama at mali.

Wala daw kuwenta si Nena, dapat daw sa tulad niya ay gahasain, bugbugin, patayin. Wala raw siyang silbi, kaya’t walang karapatang magpahayag ng opinyon, at lalong hindi dapat sumalungat. Bitch. Idiot. Prostitute.

'Di nagtagal ay 'di na rin sapat ang magsawalang-kibo – tumahimik man siya o hindi, nauupakan pa rin siya. Lahat ay nakasalalay sa init o lamig ng ulo ng esposo. Minsa’y parang nobyong nanunuyo at kumakarinyo, pero mas madalas ay parang demonyong nagsusungit, nag-aalburoto, nambubugbog, at nang-aalipusta.

Ayon sa mga eksperto, sa harap ng negatibo at positibong trato ng nang-aabuso, lalong ginagawa ng biktima ang mga bagay na sa tingin niya’y magpapasaya sa abuser. Lagi siyang nagpaparaya, nag-a-adjust. Nalusaw na ang kakakayahan niyang tumanggi, pumalag, at umalpas. 

Si Nena ang Inang Bayan. Siya ang kolektibong diwa ng Pilipino na ngayo’y busabos sa awtokratikong pinakasalan noong eleksyon. Battered wife syndrome ang pinagdaraanan niya.

Sa buong mundo, nagkakaroon ng pagbabangong-puri ang mga awtokratikong lider. Kinokonsolida nila ang kapangyarihan gamit ang paninindak, pambubusal, at lantarang pagkukulong sa mga kaaway. 

Pero kailangan ng mga Nena na kukunsinti, sasamba, at magpapalaki ng ulo ng mga awtokratiko. Lahat sila'y balot sa kulto ng kanilang personalidad.

Ang dating matikas na oposisyon ay maamong tupa sa bahay-katayan. Kakarampot ang matapang na boses na nangingibabaw. Hari pa rin ang "political expediency" at "political survival."

Wasteland ang taguri sa social media na tinalikuran ng maraming mahihinahong boses at nagpapahalaga sa mapanuring pagsisiyasat.

Gulat na gulat ang mga banyagang mamamahayag sa tindi, lupit, kababuyan, at karahasan ng mga atake sa social media laban sa mga Pilipinong lantarang tumutuligsa, kabilang na ang mga nasa media. Pero ito ang "new normal" para sa aming mga journalist sa Pilipinas. 

Ang masakit na katotohanan ay ito: tayo ang lumikha ng halimaw.  

Paano tayo umabot sa ganito? Paano tayo nasanay? Paano tayo magigising? – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>