Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

#AnimatED: Pamilyang OFW sa kuko ng panganib

$
0
0

Para mo mabuhay ang iyong pamilya, kailangan mo silang iwan. Habang itinataguyod ng migration ang pamilya ng migrant worker, winawasak din nito ang mga tahanan.

Ito ang paradox or kabalintunaan ng pagiging Overseas Filipino Worker.

Isang dokumentaryo ng Rappler ang humalukay sa pait ng paghihiwalay at pagkawala ng ilaw ng tahanan.

Ayon sa bunsong anak ng OFW na si Maribeth Manguerra, "Hindi ko po naiintindihan bakit umalis si Mama." 3 taong gulang pa lamang si JhobeAnn nang umalis ang ina.

"Naiinggit ako sa mga classmate ko na mga mama nila nandoon. Gusto ko ring maranasanan ang kalinga ng isang nanay," dagdag ni JhobeAnn.

Sabi ng panganay na si Johneth, na 11-taong-gulang nang iwan ni Maribeth, "Habang nagtatagal ang hirap naman. Walang nag-aayos sa akin, pumupunta na lang ako sa kapit-bahay."

Sampung taong gulang si Jomar nang nag-abroad ang ina. "Hinahanap ko kalinga ng nanay, kapag nadapa ako walang naglilinis ng sugat, walang umaaway sa mga umaway sa akin."

May 2.4 milyon na Pinoy na nagkalat sa buong mundo. 51.7% ay babae habang 48.9% ay lalaki. Halos kalahati ang nasa edad 25-30.

Isa si Maribeth sa 55% ng babaeng OFW na domestic o unskilled worker.

Dahil sila'y babae at hindi mataas ang pinag-aralan, katulong o factory worker ang bagsak nila. Sila ang pinakabulnerable sa pang-aabuso sa workplace, panggagahasa, at pang-aalipin. Lubos silang umaasa sa kabaitan ng employer. 

Ayon sa mga eksperto, kawalan ng oportunidad, kahirapan, gutom at kalamidad ang ilan sa nagtutulak sa mga Pinoy na mangibang-bansa. Idagdag pa diyan ang mga itinaboy ng gyera at conflict.

Ano raw ba ang pinagkaiba ng makipagsapalaran sa ibang bansa, kung mamatay ka naman sa gutom dito, o di kaya'y bubulagta ka na lamang sa lansangan?

Matindi at malalim ang lamat sa lipunan na dulot ng migration. Ayon kay President Rodrigo Duterte "almost one-fourth ng mga dependents ng mga OFW ay may tama."

Si Kian delos Santos ang anak ng OFW na si Lorenza delos Santos, isang domestic worker sa Saudi.

Tanging sa pamilyang Delos Santos lamang na biktima ng war vs drugs nakiramay si Duterte. Batid ng Pangulo na balwarte niya ang mga OFW na pinatunayan nitong nakalipas na eleksyon. At tangan ng pamilyang Delos Santos ang simpatya ng mga OFWs at masang Pilipino.

Di man kumpirmado ang kanyang datos, matindi ang kutob ng Presidente na damay ang henerasyong tinaguriang "left behind" sa kanyang gyera kontra droga.  Sabi ng kanyang justice secretary, lahat daw ng gyera ay may collateral damage.

Okey lang pala na maging collateral damage ang mga kaanak ng Bagong Bayani at balwarte ng Presidente?

Sa isang forum sa Rappler, tinanong ng mga nagtatanggol ng kapakanan ng OFW kung paano magkakaroon ng moral high ground ang mga diplomat na nakikipag-negosasyon na mapawalang-sala ang mga katulad ni Mary Jane Veloso na akusado ng pagku-courier ng droga.

Pangako ng Pangulo sa nakalipas na SONA, 10 taon, 'di na raw lalabas ng bansa ang Pinoy. Aayusin daw niya ang ekonomiya. Sabay tinaasan nya ang assistance sa OFW – mula 400 milyon, naging isang bilyon.

Paulit-ulit na sinasabi ng mga tagapagtanggol ng OFW, natutuwa sila sa suporta ng Pangulong Duterte.

Pero para sa 2.4 milyong Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa, napakahaba ng listahan ng problema at di na sila makapaghihintay pa ng 10 taon.

Andyan ang di patas at di makataong pagtrato sa mga trabahador, ang pagtatago ng mga employer ng pasaporte ng OFW, kawalan ng proteksyon ng mga batas ng destination countries, 'di pagbabayad sa tamang oras ng sweldo, pang-aabuso, sexist na mga batas, pangre-rape at human trafficking.

Nitong Abril, bumagsak ang cash remittances ng OFW sa pinakamababang antas sa loob ng 15 buwan. Tila dumidilim ang langit ng mga bayani.

Ayon sa mga dalubhasa, marahil may kinalaman dito ang tumitinding anti-migrant labor sentiment sa buong mundo. Sa Europa, pinagpapasa-pasahan ang mga refugees sa takot na masira ang magagandang ekonomiya nila. Sa Amerika, nakaupo ang isang Presidenteng nagpasimuno ng crackdown laban sa mga migrante. Maging sa mga mamamayan ng Singapore na dati'y yumayakap sa mga foreign workers, namumuo ngayon ang galit sa mga dayuhang kakumpetensya sa trabaho.

Ang kailangang ng OFW ay ang mahusay na pamamalakad, pagtatanim ng mga tamang proseso at patakarang magtatanggol at kakalinga sa kanila habang nasa ibang bansa. Kakambal nito ang pagpapaunlad ng competitiveness nila bilang manggagawa.

Tall order ba? Hindi puwede ang bara-barang diskarte, ang datihang press release governance at ang sangkatutak na pangako. Sila ang nagpadala ng 2.44 bilyon noong 2016 na 10.2% ng GDP. Tinatantiyang bobongga ang ekonomiya ngayong 2017 at malaki ang papel ng remittances sa inaasahang paglago.

Panahon nang tapusin ang pagpapakabayani ng mga Bagong Bayani. Mapa-abroad man o dito sa Pilipinas ang kanilang kapalaran, dapat lang na ramdam nilang naririyan ang pamahalaang kanilang masasandalan. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>