Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[Editorial] #AnimatED: Sana'y hindi maging Zamboanga ang Marawi

$
0
0

Hindi maganda ang track-record ng PIlipinas sa rehabilitasyon.

Setyembre 2013. Tumagal lamang ang Zambaonga siege nang 20 araw nguni't 120,000 ang naging internally displaced persons o IDPs at 191 ang namatay. Ang di alam ng marami, mas maraming namatay sa evacuation centers: 218. 

HIndi sila namatay sa bala, mortar, bomba, o pagkaguho ng tirahan. Namatay ang 218 sa diarrhea, pneumonia, dehydration, at “pinaghihinalaang” measles. Marami sa kanila ay musmos.

Target ng gobyernong mailipat sa mas ligtas na transistonal shelters ang lahat ng refugee ng sigalot ng Zamboanga, nguni't pagsapit ng Disyembre 2014, nasa 7,000 tao pa rin ang nasa temporary shelters at tents.

Nobyembre 2013. Tumama ang Super Typhoon Haiyan o Yolanda sa Tacloban. Nasa 16 million ang apektado ng pinakanakamamatay na bagyo sa kasaysayan. 6,300 ang namatay dahil kay Yolanda. 

Pagsapit ng June 2016, sa 205,128 housing units na tinarget ng National Housing Authority, tanging 2,287 pa lang ang nai-turn over sa mga pamilya.

Pagsapit ng Nobyembre 2016, 3 taong nakalipas ang Haiyan, naantala pa rin ang lipat ng mga lagalag na pamilya, habang kulang o walang tubig at kuryente sa mga relocation sites. Pero pinakamalaking problema sa lilipatan ang kabuhayan. Nasa 2,500 pa lamang ang nai-resettle.

Fast forward sa Marawi.359,680 ang nawalan ng tahanan dahil sa giyera ng Marawi. May bago nang administrasyon at iba na ang namumuno.

Binuo ni Presidente Rodrigo Duterte ang inter-agency task force na Bangon Marawi na tututok sa recovery, reconstruction, at rehabilitation ng siyudad. Paano muling bubuhayin ang siyudad na animo’y tinamaan ng nuclear bomb? 

"Tutulungan ko kayo. Huwag kayong mag-alala. Tutulungan ko kayo hanggang relocation. And then, we will rehabilitate ang Marawi. Gaganda iyon ulit," pangako ni Pangulong Duterte sa mga bakwit na nasa evacuation centers ng Iligan.

Ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (UN OCHA), kakaiba ang displacement ng mga taga-Marawi. Tinatantiyang 90% ng mga napaalis ng tahanan ay nakikitira sa mga kaibigan at kamag-anak. Habang 'di hamak na mabuti ito kaysa manatili sa evacuation centers, matindi rin ang epekto nito sa mga host families. 

Dalawang isyu ang matingkad sa karanasan ng Pilipinas sa mga disaster at giyera: kakapusan sa kahusayan at kasalatan sa integridad. Wala itong kinalaman sa kulay ng pamunuan – sakit ito ng lahat ng nakalipas na administrasyon.

Sa kabilang banda, tadtad ang sistema ng butas para gamitin ng mga korapt na empleyado ng gobyerno, kontraktor, at middleman.

Nananawagan kami sa gobyernong gawing transparent ang lahat ng hakbang sa rehabilitasyon ng Marawi, lalo na’t bumabaha ng pondong maaaring umabot ng P5 bilyon.

Kayanin kaya ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Public Works and Highways Secretary Mark Villar ang hamon ng Marawi?

Ayon sa isang pag-aaral ng United Nations, sa 204 na bansang kasama sa pag-aaral, panlima ang Pilipino sa pinaka-nanganganib na mawalan ng tahanan dahil sa disaster. Kaya pinakamainam na 'di na maulit ang kapalpakan ng Zamboanga at Tacloban rehabilitation dahil tiyak na marami pang disaster – natural man or kagagawan ng tao – na dadalaw sa Pilipinas.

Gaano katagal pa bang magtitiis ang mga bakwit na 5 buwan nang hirap na hirap sa tent structures?

Matunton kaya ni Lorenzana at Villar ang pinakamainam na sistemang maghahatid ng pagbangon sa siyudad ng Marawi? Mai-deliver kaya ang pinangakong ayuda sa takdang panahon 'di tulad ng Zamboanga at Tacloban? Ika nga, aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? 

May tubig, kuryente, at kabuhayan bang mapagsisisimulan ang mga lilipat sa relocation sites? Paano ang mga may kayang may babalikang lupa nguni't durog-durog na ang kabahayan?

Mapigilan kaya ng task force ang paglaganap ng prostitusyon at recruitment para sa human trafficking na karaniwang sumusulpot sa mga lugar na hitik sa trahedya?

Maudlot kaya ng task force ang napakalaking panganib ng alienation at radicalization ng mga kabataan ng Marawi na naging biktima ng giyera?

Masawata kaya nila ang mga padded costs, substandard materials at hocus-pocus sa ganitong malawakang galaw ng pera, kagamitan, at construction materials?

Sa madaling salita, magagawa kaya nilang idiot-proof at corruption-proof ang rehabilitasyon? Sana'y tandaan: nagmamasid ang mga buwitre. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>