Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINION] Peke at totoo

$
0
0

Heto na. Dumating na tayo sa isang sitwasyong ikinakatakot ng lahat ng guro mula sa mga nagtuturo ng Grade 1 hanggang sa mga nagtuturo sa mga programang pang-doktorado.

Dumating na tayo sa isang sitwasyon kung saan tila hindi na nakikita ng mga mamamayan ang pinagkaiba ng datos o facts sa opinyon o pananaw.

Lahat naman ay may opinyon. May mga opinyong nagsasabi lamang ng kagustuhan ng tao. Halimbawa, “kampi ako sa UP basketball team” o di kaya'y “kampi ako sa La Salle”.

Sa mga ganitong bagay madalas magkasalungat ang opinyon o kagustuhan ng mga tao. Nguni’t dahil opinyon lamang ito, hindi natin minumura o binabantaan ang mga hindi sumasang-ayon sa atin. Sa totoo lang, mahalaga sa isang lipunan na marami at magkakasalungat ang mga opinyon.

Sino naman ang matutuwa sa UAAP kung lahat na lang ay kampi sa isang koponan? At kahit magkasalungat ang opinyon, walang may karapatang tawagin ang kahit sino na “biased”. Kahit ang mga taga-UP ay natural na kakampi sa UP at ang mga taga-De La Salle University naman ay natural na kakampi sa team nito; hindi natin kinaiinisan ang bias ng bawa’t isa.

Nguni’t iba ang datos o facts. Halimbawa: “ang UP ay may men’s basketball team.” Hindi ito opinyon lamang, ito’y katotohanan. Napakaraming patunay na may men’s basketball team ang UP.  Maaring napanood ng marami ang tagumpay ng UP sa La Salle nang huli silang nagtalo sa UAAP. Maaring kaibigan mo ang isang miyembro. Maaring nakasabay mo sila sa gym. Hindi naman dapat pagtalunan ang isang bagay na mapapatunayan. Baliw lamang ang makikipagtalo sa katotohanan.

Mahalaga ding nakabatay sa datos ang mga opinyon. Halimbawa, mahirap naman kumampi sa basketball team ng Wanbol University. Walang ganoon.

Higit na mahalaga na ibatay natin sa datos ang mga opinyong hindi lamang nagsasaad ng ating kagustuhan nguni’t nagbibigay ng assessment sa isang pangyayari o bagay. Halimbawa, "UP is da best basketbol team in da universe”. O di kaya'y “bopol ang basketbol team ng La Salle”.

Paano natin susuriin ang dalawang opinyon na ito? Dapat mangalap tayo ng datos. Ang huling championship ng UP senior men’s basketball team sa UAAP ay noong 1986. Ang De La Salle University naman ang defending champions at walo na ang championship nila mula 1986 nang mag-champion ang UP. Malinaw na ang dalawang opinyon ay mali. Ang tamang opinyon ay magaling ang basketball team ng De La Salle kaysa sa UP.

Kasinungalingan at bias

Kung sasabihin ko ngayon na ang UP ang kasalukuyang defending champion, sinungaling ako. Dapat galit tayo sa sinungaling sapagka’t kapag binigyan tayo ng pekeng impormasyon at pinaniwalaan natin ito, malilihis tayo sa katotohanan. Napakatindi ng maaaring epekto ng pagsisinungaling. Halimbawa, kung sabihin ko sa inyo bilang doktor na walang mikrobyo sa tubig kahit na mayroon pala, maaaring inumin ninyo ito at ikamatay.

Kung ipagpipilitan ko na magaling ang UP dahil lamang taga-UP ako at kampi ako sa UP basketball team, dito pumapasok ang bias. Nguni’t kung sasabihin ng mga taga La Salle na magaling ang basketball team nila, kahit taga La Salle pa sila, hindi ito biased. Hindi ko sila puwedeng tawaging "biased" dahil lang kampi ako sa UP. Hindi natin dapat tawaging biased ang sinuman kung salungat ang paniniwala o kagustuhan sa atin, lalo na kung batay sa datos ang kanilang opinyon.

Kapag naiintindihan ng bayan ang pagkakaiba-iba ng datos, opinyon tungkol sa personal na kagustuhan, at opinyon na batay sa datos, walang lugar ang pagmumurahan dahil lamang nagbibigay ng datos ang isang tao o may pagkakaiba ng kagustuhan. Hindi rin dapat magmurahan kung sa tingin mo'y hindi batay sa katotohanan ang opinyon ng isang tao. Kung may mumurahin man, ito 'yung mga sinungaling. O di kaya, dapat murahin 'yung mga taong walang pakialam kung batay sa datos o hindi ang sinasabi nila.

Sa isang demokrasya, karapatan, kaligayahan, at tungkulin ng mga taong magpalitan ng impormasyon at kuro-kuro. Sa ganitong paraan nasisigurong nakabatay sa maayos na paniniwalang batay sa katotohanan ang mga desisyon natin bilang indibidwal at bilang isang lipunan. May karapatan ang bawa’t isa sa kanya-kanyang opinyon, mali man o tama ito. Nguni’t may kalakip na responsibilidad ang bawa’t karapatan. At tungkulin nating lumahok sa talakayan, itaya ang paniniwala, at baguhin ito kung kailangan.

Fake news

Ikinalulungkot ko na sa mga diskusyon ngayon sa social media, tila hindi na marunong mag-isip nang tama ang mga tao Halo-halo na ang opinyon, datos, pekeng impormasyon at kampihan. Ang fake news ay kinukunsinti, pinaninindigan at ikinakalat. Ang magsabi ng katotohanan na labag sa kagustuhan ng iba ay tinatawag na “biased".

Kapag nagbigay ang isang tao ng opinyong salungat sa opinyon ng iba, binibigyan siya kaagad ng masamang motibo. At higit sa lahat, kapag halatang-halata na, na hindi makatotohanan o lohikal ang sinasabi ng isang tao, dinedepensahan niya ang sarili. Sinasabi niyang “I have a right to my opinion” sa halip na amining mali siya at babaguhin ang kanyang pananaw.

Halimbawa, dapat magalit ang lahat sa fake news na si VP Leni Robredo ay buntis. Natutuwa man o galit tayo sa kanya, hindi katanggap-tanggap ang ganitong pagsisinungaling. Lalo na tayong dapat magalit sa mga taong hindi lang minsan, nguni’t ilang beses nang napatutunayang nagsisinungaling. At higit pa tayong dapat mainis kung binabayaran ng ating buwis ang suweldo ng mga taong lumalason sa kaisipan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impormasyon.

Nguni’t sa mga panahong ito, kahit peke ang balita, basta ito’y nakasisira sa kaaway o nakatutulong sa kinakampihan, kinabibiliban pa natin ang sinungaling.

Sa kabilang banda, kapag nagbibigay ang isang tao, manunulat, o journalist ng ulat tungkol sa kapalpakan ng isang pulitikong kinakampihan ng iba, biased daw 'yun, kahit makatotohanan naman ang sinasabi. Madalas ang nagsasabi ng tama ang siyang tinatawag na sinungaling.

Kapag nagbigay ng opinyon ang isang tao na salungat sa opinyon ng iba, mura lang ang aabutin. Nagbabasa ako ng pagtatalo sa social media upang matuto. Upang makumbinsi ako na mali ako. Nguni’t hindi ako makatagal sapagka’t madalas, para lamang akong nagbabasa ng basura. At wala akong nababasang dahilan upang magpalit ng aking pananaw.

Hindi ito kampihan lang

Hindi puwedeng maliitin ang kapalaran ng ating bayan na para lamang pumipili tayo ng papanigan sa basketball. Ang die-hard na salita ay ginagamit para sa mga sports fans. Hindi siya bagay sa mga taong pumapanig sa isang lider, gaano man kalaki ang pagtitiwala sa kanya. Hindi dapat awayin o murahin ang sinumang may ibang pinapanigan. Hindi dapat bantaan ang mga taong pumupuna sa lider na gusto mo. Hindi naman “dahil trip ko lang” ang dapat na sagot kapag tinanong ka kung bakit mo gusto ang isang pulitiko o lider.

Puwede yun sa basketball, hindi sa bayan. At kahit ang mga malalalim na afficionado ng basketball ang magsasabi na higit na nakatutulong sa pag-intindi ng isang sport ang masusing pagsusuri batay sa datos.

Kahit kampi ka sa De La Salle, mainam pa rin na malaman mo kung ano ang lakas at hina ng iyong team. Sa halip na magalit sa taga-UP kapag sinabi niyang kulang kayo ng mahusay na sentro, maari namang tanggapin ang puna. Malay mo, makinig ang coach ng team ninyo at kumuha ng magaling na sentro.

Ang aktibong partisipasyon ng mamamayan sa pamamalakad ng gobyerno ang susi sa kasaganaan at kapayapaang hinahangad nating lahat. Ang tunay na kaaway ay 'yung mga nagkakalat ng maling impormasyon, 'yung mga nagmumura sa mga may ibang opinyon, 'yung mga humahadlang sa malayang pagpapalitan ng mga opinyong makatotohanan.

Kung nagmumura ka, kung pinaniniwalaan mo at ipinapasa ang pekeng balita, at kung hinahanapan mo ng masamang motibo ang lahat ng hindi bumabagay sa iyong kaisipan, hindi mo ginagawa ang tungkulin mo bilang mamamayan. – Rappler.com

Si Sylvia Estrada Claudio ay isang doktor ng medisina at doktorado ng sikolohiya. Siya ay propesor ng Departamento ng Aralin ng Kababaihan at Kaunlaran sa Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpauunlad ng Pamayanan, Unibersidad ng Pilipinas.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>