Lumang taktika na ang “kaaway ng kaaway ko ay kaibigan ko” pero mukhang mainam itong nagamit ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makuha ang simpatya ng militar.
Kung matatandaan natin, maraming naniniwalang ang militar ang pinakamalaking balakid sa lubos na pagkopo ng kapangyarihan ng pinagsususpetsahang dictator-in-the-making na si Digong. Matikas na nagdeklara ang mga pinuno ng Armed Forces of the Philippines na pangangalagaan nila ang demokrasya.
Subali’t marami nang nangyari mula nang huling umugong ang nationwide martial law (ML). Naipanalo na ng militar ang giyera sa Marawi. Natapos na rin ang dalawang dekadang romansa ni Duterte at ng Kaliwa na nagsimula sa Davao, kung saan kinupkop ni Mayor ang ilang mga nahuling kadre, kinopya ang pinakabayolente nitong diskarte, at idineklara ang sarili na isang komunista.
Ngayon, kung pakikinggan ang Presidente, wala nang hihigit pa sa pagkamuhi sa dating bespren na kasama sa deklaradong kaaway ng ML reboot. Tapos na ang pagngingitngit ng mga sundalo dahil gumuho na rin ang minamartilyong usapang pangkapayapaan sa Kaliwa.
Walang dudang mahalaga ang papel ng militar sa isang presidenteng nangangarap ng pagbabagong rebolusyonaryo (o reaksyonaryo). Kailangan ang armadong lakas sa kahit na anong pang-aagaw ng kapangyarihang susundan ng pagkokonsolida ng lakas.
Kung dati’y mailap sa pagsuyo ni Digong ang top-brass sa kabila ng linggo-linggong pagbisita ng Pangulo sa mga kampo, ngayo'y namumukadkad ang pagkakaibigan matapos na ibigay ang pinakamimithi: ilaglag na ang mga komunista.
At sa senaryong ito, shoot na shoot ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao. Sa ilalim ng official excuse na rehabilitasyon at pagtugis sa mga terorista, maraming ibang puwedeng maganap. Andiyan ang pagtutulak ng federalism sa grassroots. Kung sablay pa rin doon, puwede namang revolutionary government na lang ang lutuin.
At ano ang mapapala ng taumbayan sa bagong kaayusan?
Mananatili ang tapalodo ng kapayapaan sa mga sentrong bayan. Ikatutuwa ito ng mga negosyante habang tuloy sa pagkatok ang mga mantotokhang sa mga pinakadukhang mga tahanan.
Wala nang aasahang saklolo mula sa mga korte ang isang taong arestado dahil suspendido na ang writ of habeas corpus na garantiya sana laban sa unli-torture at pagkakakulong.
Duda kami kung maeenganya ang mga dayuhang mamumuhunan dahil sa totoo lang, ang batas militar ay batas militar.
Sa kabila ng pagsisikap nito na maging propesyonal mula nang bumagsak ang diktadurang Marcos, makahihindi ba ang mga sundalo sa shortcuts na dulot ng martial law? Makaiiwas ba ang mga tropa sa pang-aabuso kung tangan na nila ang guwantes na bakal? Makatatanggi ba sila sa tawag ng pangungurakot kung bukas na bukas ang pinto para magpayaman? Hindi ba't tao lamang sila?
Noong panahon ng batas militar ni Marcos, nilikha ng grupong Asin ang awit na "Balita". Nakapanlulumo na apat na dekada ang nakalipas, angkop na angkop pa rin ito.
Mula nang makita ko ang lupang ito
Nakita ko rin ang munting apoy sa puso ng tao
Ginatungan ng mga kabulukan hanggang sa lumago
Ngayon ang puso'y may takot sa lupang pinangako
Madudugo ang mga katanungang sumulpot sa usapin ng martial law extension. Andiyan ang kaduda-dudang ligalidad nito na pinalusot ng isang rubber stamp na Kongreso. Test case daw ito para sa nationwide na batas militar. Tinawag ito ng mga obispong "pagkalasing sa kapangyarihan."
Pero malinaw pa sa sikat ng araw, inilalayo ng isang taong batas militar sa Mindanao ang Pilipinas sa kanlungan ng demokrasya at inilalapit sa kahibangan ng isang diktadura. – Rappler.com