Balitang-balita ngayon ang tungkol sa bakuna laban sa dengue. Marami ang nababahala, lalo na ang mga nabakunahan.
Marami at salusalungat ang impormasyong naibibigay sa mamamayan tungkol sa bakuna.
Marami po sa impormasyon ay mali. Sa aking palagay, may iba’t-ibang dahilan. Isang dahilan ay ang pagkawalang-bahala ng ilang media na mali-mali ang nirereport dahil hindi nila iniintindi o inaaral ang datos at impormasyon.
Isa pa dito ay napulitika na nang husto ang isyung ito kaya’t nabibigyan na ng maling interpretasyon ang mga datos at pangyayari tungkol sa programa ng gobyerno.
Dahil dito, sinubok kong isuma ang impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang eksperto at institusyon. Layunin ko pong maibsan ang pagkabahala at pag-aalalang ng mga pamilya. Heto po ang mga itinatanong ng mga pangkaraniwang tao at ang mga kasagutan.
Tanong: Safe ba ang bakuna laban sa dengue?
Sagot: Opo, kung tama ang paggamit. Halos lahat ng gamot at iba pang teknolohiya sa medisina ay mapanganib kung hindi tama ang paggamit.
T: Ano ang tamang pamamaraan ng paggamit ng bakuna laban sa dengue?
S: Ayon po sa World Health Organization:
- Ang bakuna ay dapat ibigay sa mga komunidad kung saan higit sa 70% ng populasyon ay nagkadengue na.
- Hindi bababa nang 9 na taong gulang ang babakunahan.
- Tatlong beses dapat ibibigay ang bakuna.
T: Sinunod ba ng Department of Health ang utos ng WHO tungkol sa tamang paggamit ng bakuna?
S: Opo. Ayon sa WHO noong Disyembre, 5, 2017: “WHO acknowledged mid-April 2016 that these conditions appeared to be met in the 3 regions of the Philippines in which the dengue vaccination effort was already ongoing at that time.”
T: Kahit po safe ang bakuna, epektibo ba ito?
S: Opo. Paulit-ulit po itong sinabi ng WHO. Kung tungkol po sa Pilipinas, pakipanood na lang ang video kung saan sinabi ni Dr Gundo Weiler ng WHO na mababawasan ang bilang ng maoospital dahil sa pagbibigay ng bakuna dito sa Pilipinas. Sinabi po niya ito noong Apirl 2016 nang sinusuri ang programa ng DOH.
T: Bakit po sa imbestigasyon sa Senado tungkol po sa bakuna, iba-iba po ang sinasabi ng mga eksperto?
S: Likas po sa agham, lalo na sa medisina, ang pagkakaiba-iba ng opinyon ng mga eksperto. Nguni’t hindi po ibig sabihin na pareho lamang ang timbang ng kanilang mga opinyon. Ang karamihan po ng eksperto at ang karamihan ng pag-aaral tungkol sa bakuna laban sa dengue ay nagsasabing ito ay ligtas at epektibo. Kaya po mayroong World Health Organization, ang internasyonal na institusyong kinikilala ng lahat ng gobyerno at siyang nagbibigay ng payo sa mga gobyerno tungkol sa mga tamang patakaran tungkol sa kalusugan.
Dapat intindihin ng lahat na pinahahalagahan ang mga kritiko dahil nakatutulong ang kritisismong maging maayos at masinop ang pagtuklas at paggamit ng gamot. Ngunit hindi nangangahulugang tama ang lahat ng kritiko. At kung narinig ninyo ang isang eksperto sa Senado na nagsabing “kami lang ang tama,” 'yan na po ang indikasyon ninyong huwag magtiwala sa kanila. Sa totoo lang, kahit sinong diumano’y ekspertong nagsasabi na sila lang ang tama, lalo na't salungat sila sa WHO at karamihan ng ibang eksperto, di sila dapat pagkatiwalaan.
T: Hindi ba nag-report ang mismong manufacturer na may problema pala ang bakuna nila?
S: Noong November 29, 2017, nag-report ang Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng bakuna, batay sa 6 na taon nilang pag-monitor sa mga nabakunahan, na mas mataas ang posibilidad na maospital ang mga nabakunahang hindi pa nagkakasakit ng dengue.
Subali’t inulit nilang nagbibigay ang bakuna ng “significant, durable protection from dengue” para sa mga taong nagkasakit na ng dengue bago mabakunahan.
Ayon sa datos, sa grupong minonitor na nagkasakit na ng dengue bago mabakunahan, nababawasan ang mga naospital at nagkaroon ng severe dengue. Ganito rin para sa mga taong hindi pa nagkaka-dengue bago mabakunahan sa loob ng dalawang taon. Nguni’t simula nang ikatlong taon matapos mabakunahan, sa bawa’t 1,000 kataong hindi pa nagkaka-dengue bago mabakunahan, maaaring madagdagan ng 5 katao ang maoospital at dalawang katao ang magkaroon ng “severe” dengue.
T: Ang ibig ba sabihin nito ay nagkamali ang WHO at ang DOH? Hindi po ba dapat inalam lahat ng posibleng problema bago inaprubahan ang bakuna?
S: Hindi. Ang WHO mismo ang nag-utos sa Sanofi Pasteur na magmonitor pa sa epekto ng gamot. Mahaba ang proseso ng pagtuklas at testing ng bagong gamot. Ang pinakahuli nito ay ang pagmonitor kung ano ang magiging epekto kapag ang isang gamot ay ginamit na ng maraming tao o sa mahabang panahon. Kahit kasi anong ingat sa testing, hindi naman talaga malalaman ang lahat habang hindi pa ito nagagamit ng maraming tao sa pangmatagalan. Paminsan minsan, kailangang ipa-recall ang isang gamot na inaprubahan na dahil napakalubha pala ng side effects na nakikita matapos itong ipagamit na sa lahat. Nguni’t sa kaso ng bakuna sa dengue hindi naman ito pinare-recall. (BASAHIN: FDA orders market pullout of Dengvaxia vaccine)
Sa totoo lang nagsabi ang ang Ministry of Health ng Brazil, isa pang bayan kung saan marami ang binigyan ng bakuna, na kahit naglabas ng dagdag na warning ang Sanofi Pasteur, itutuloy pa rin nila ang pagbibigay ng bakuna. Bibigyan lamang ng paalala ang mga hindi pa nagkadengue na huwag na munang magpabakuna.
T: Kaduda-duda ba na sinimulan ng gobyerno ang pagbabakuna nang dalawang buwan bago lumabas ang guidelines ng WHO?
S: Habang lumabas ang guidelines ng WHO nung July 2016, ibinatay nila ito sa statement noong April 2016 ng sarili nilang mga eksperto, ang WHO Strategic Advisory Group of Experts on immunization (SAGE). Minabuti ng gobyerno na simulan nang maaga dahil tuwing Abril tumataas na ang mga kaso ng dengue sa Pilipinas.
T: Nabalitaan ko na sinabi ng WHO mismo na hindi raw nila nirekomenda ang bakuna para sa national immunization program ng Pilipinas.
S: Totoo po iyon. Hindi nila inirekomendang lahat ay bakunahan. Sa halip ay inirekomenda nilang bigyan ng bakuna ang ilang piling lugar. 'Yon po ang ginawa ng DOH.
T: Ang bakuna ba mismo ang nagiging sanhi ng dengue?
S: Mahalagang linawin na hindi nanggagaling sa bakuna ang sakit na dengue. Galing ito sa kagat ng lamok na may dengue virus.
T: Paano ko malalaman kung nagka-dengue na ako o hindi?
S: Marami sa atin ang nakakseguro na tayo ay nagka-dengue na dahil na-diagnose tayo ng doktor o naospital tayo.
Nguni’t higit na marami ang nagkaka-dengue na hindi man lamang napansin na nagkaimpeksyon na pala sila. Sa sakit na ito, ang pangalawang impeksyon ang mapanganib. Kaya’t nirekomenda ng WHO na sa mga lugar na ayon sa pagsusuri ay 70% o higit pa ang nagka-dengue ibigay na ang bakuna sa lahat.
T: Dapat ba akong magpabakuna kung sigurado akong nagka-dengue na ako?
S: Opo. Iyon pa rin ang rekomendasyon ng WHO at karamihan ng mga eksperto.
T: Kung hindi ako nakakaseguro na nagka-dengue ako, may test ba na makapagsasabi kung nagkasakit na nga ako?
S: Walang mabisa at abot-kayang test na makapgsasabi kung nagkasakit ka na dati o hindi pa. Ang mga ginagamit na test ngayon ay mabisa lamang kung kasalukuyan kang may sakit.
T: Dapat bang isinugal ang buhay ng kahit iilan lamang kahit magdadala ito ng kabutihan para sa higit na marami?
S: Ayon sa report ng Sanofi Pasteur walang ni isang namatay sa mga nagkaroon ng side effects at lahat naman ay gumaling. Wala pa talagang naiulat na namatay dahil sa bakuna. Ayon pa sa mga eksperto, hindi dapat ikatakot ang salitang “severe dengue” na ginamit ng Sanofi Pasteur dahil ang pamantayan nila para tawaging “severe” ang side effects na nakita nila ay hindi nangangahulugan ng tipo ng dengue na humahantong sa kamatayan.
T: Nabakunahan ang anak ko at hindi namin alam kung nagkasakit na siya ng dengue o hindi. Dapat ba akong mabahala?
S: Hindi lahat ng bata sa Pilipinas ang binigyan ng bakuna. Kung isa kayo sa mga pamilyang nakatira sa lugar na pinili ng DOH na bakunahan, malamang ay nagkasakit na nga ang inyong anak ng dengue at, sa gayon, mabibigyan siya ng dagdag na proteksyon.
Ayon sa report ng Sanofi-Pasteur sa mga nabakunahan na hindi pa nagkakasakit, may .05% na dagdag na panganib na maospital, at 0.2% dagdag na panganib na magkaroon ng severe dengue.
T: Ano ngayon ang dapat gawin ng mga nabakunahan?
S: Pareho naman ang dapat gawin ng lahat ng mamayan kahit nabakunahan o hindi. Dapat mag-ingat pa rin sa kagat ng lamok, lalo na sa mga lugar na naka-epidemic o kilalang may dengue. Kasama na dito ang paggamit ng kulambo, at paglinis sa mga naimbak na tubig na maaaring pagpugaran ng lamok.
Higit na mahalaga, kung may mga sintomas ng dengue, kumonsulta agad sa doktor. – Rappler.com
Si Sylvia Estrada Claudio ay isang doktor ng medisina na doktorado din ng sikolohiya. Bilang isang ordinaryong manggagamot na ilang dekada nang bumababad sa mga mahirap na pamayanan nakasanayan na niyang ipaliwanag ang mga sinasabi ng mga eksperto sa ordinaryong mamamayan. Higit po niyang tinututulan ang walang galang na pagtrato ni Sen. Dick Gordon sa mga testigong na sa aking pananaw, ay hindi sumasang-ayon sa kanyang mga hinala at akala. Sa pagkakilala niya sa loob na maraming taon sa mga eksperto tulad ni Dr. Kenneth Hartigan Go at ni Dr. Julius Lecciones, tapat po sila sa kanilang propesyon. Wala pong naitutulong sa mamayan kapag ang isang panig lamang ng mga eksperto, yaong panig pa na sinusuway ang opinyon ng karamihan, ang binigyang daan sa isang imbestigasyon. Humihingi po siya ng patawad kung nagbabanggit siya ng mga pangalan ng ilan. Mahirap po kasing panoorin ang paninira sa mga mabubuting tao.