Hanggang nitong ilang linggo lang ang nakakaraan, hindi ko inakala na hindi pa pala ang Mamasapano ang huling trahedyang ipinamana ng administrasyong Aquino. Kung ang Mamasapano ay resulta ng geopolitics at barkadahang pamumuno ni Presidente Benigno Aquino III, ang iskandalo sa Dengvaxia naman ay pakikipagniig ng barkadahan at ng maruming laro ng industriya ng gamot.
Nalinis na ang dating narungisan na pangalan ni Enrique Ona, ang health secretary bago si Janette Garin. Isa si Ona sa maituturing na tunay na propesyonal sa adiministrasyong Aquino. Alam ko ito dahil bilang kinatawan noon sa Kongreso, isa ako sa mga nagtatanong tuwing budget hearing, at kay Ona lamang ako nakakakuha ng diretsong sagot, bukod kay Babes Singson na dating kalihim ng public works. Si Ona ay isang tunay na propesyonal, na ang hangarin ay makapagtatag ng mahusay na sistemang pangkalusugan na tulad ng sa Thailand.
Malabong maganap ang Sanofi deal sa ilalim ni Ona. Sinabi niya, noong siya pa ang kalihim ay bumibisita nga ang mga kinatawan ng Sanofi sa Department of Health. Gustong magbigay ng mga ito ng briefing sa kagawaran tungkol sa bakuna, na noo’y di pa ganap na aprubado. Hindi niya naramdamang dinidiinan siyang bumili ng bakuna kahit nasa developmental stage pa lang, sabi ni Ona. Alam din siguro ng Sanofi na hindi makukumbinsi si Ona na bilhin nang di pa tapos ang clinical test para matiyak na talagang ligtas ang bakuna na kilala pa noon bilang CYD-TVD. Wala sa isinumiteng badyet ng 2016 ang pambili ng bakuna.
Noong 2017, isa sa pinakamalaking item ito sa badyet sa ilalim ni Janette Garin, ang pumalit kay Ona.
Pagtatakpo ng propesyonal at politiko
Ang tanging pagkakamali ni Ona ay ang pagiging bagito niya sa pulitika. Dahil nakatrabaho niya sa ang dating kongresistang si Garin sa pagpapasa ng reproductive health bill, hindi siya nagdalawang-isip na irekomenda si Garin na maging isa sa kanyang mga undersecretary. Isa ring doktor si Garin. Natapos na ang termino ni Garin sa Kongreso noong 2013, at di na uli puwedeng tumakbo. Sinuportahan niya si Garin bilang undersecretary dahil inaasahan niyang susuporta din ito sa kanyang itinitulak na universal health insurance; maaaring makatulong ang pagiging malapit ni Garin sa Malacañang.
Nakatrabaho ko rin si Garin sa pagtutulak na maipasa ang RH bill, at dahil dito ay may nabuo akong respeto para sa kanya. Pero alam ko rin na siya ay isang “smooth operator,” ayon nga sa kanta ni Sade. May ambisyon siya sa politika, at bilang politiko mabilis siyang naglipat ng kanyang "katapatan" kay Aquino mula kay GMA pagkatapos ng eleksyon ng 2010.
Agad na natunugan ng mga staff ni Ona na ang puntirya ni Garin ay ang puwesto ni Ona, at di nga sila nagkamali. Unti-unting nabuksan ang mga mata ni Ona sa realidad na ito, ngunit hindi niya pa rin nakuhang kuwestyunin ang mga motibo ni Garin. Noong nawala na ang PDAF noong 2014, ipinatipon ni Garin sa kanyang opisina ang mga di nagastos na PDAF; ibinigay niya ito sa mga miyembro ng Kongreso. Tinutulan ito ni Ona, na ikinagalit ni Garin, kaya’t hindi niya sinuportahan ang agenda para universal health care. Sa halip, nagsimulang magpakalat si Garin ng mga walang-basehang alegasyon na na pangungurakot sa ilalim ni Ona.
Nakapasok si Garin sa barkadahan ni PNoy na kinabibilangan nina Budget Secretary Abad, Executive Secretary Jojo Ochoa, at Cabinet Secretary Rene Almendras. Kay Garin nakikinig si PNoy sa halip na kay Ona. “Hindi ko makuhang makinig nang seryoso sa akin si President tungkol sa universal health care, kahit minsan lang sa loob ng 4 at kalahating taon ng panunungkulan ko,” sabi sa akin ni Ona. (Pamilyar sa akin ang ganitong karanasan dahil sa pakikipagpulong ko sa Presidente noon para sabihin ang pag-aalala ko sa posibleng korapsyon ni Secretary Abad dahil sa pagpapalakad niya sa Disbursement Acceleration Program o DAP, kung anu-ano rin ang gusto niyang pag-usapan at hindi ang pakay ko.)
Pag-alis sa bangin ng mga ahas
Nang malaman ni Ona na binaliktad ni Ochoa ang desisyon niya na alisin ang isang pinuno ng isang regional medical center dahil sa korapsyon, naisip niyang bilang na ang mga araw niya. At nang mabalitaan niyang dahil sa sulsol si Garin ay pinaiimbistigahan siya ni Aquino sa NBI, alam niyang ikukudeta na siya. Nang kumpirmahin ni Justice Secretary Leila de Lima na iniimbestigahan nga siya, naisip ni Ona na ang pinakamarapat gawin ay magbitiw sa puwesto at lisanin ang lugar o bangin ng mga ahas. Ang tanging pagkakamali niya ay di niya nilagyan ng salitang “irrevocable” ang kanyang resignation letter kay Ochoa, para naging malinaw sa lahat na siya ang kusang nagbitiw at hindi siya sinibak ng Malacañang, at na ginawa niya ito bilang protesta sa pang-aapi sa kanya.
Nang pumalit nang kalihim si Garin, nawala na rin ang mga usap-usapan tungkol sa umano'y korapsyon ni Ona. Nagpatuloy na rin si Garin na baliktarin lahat ng mga desisyon ni Ona para itatag ang universal health care – tulad ng planong palawakin ang benepisyo ng primary health care sa ilalim ng Philhealth. Inilipat ni Garin ang pondo sa sarili niyang proyekto, tulad ng pagkuha ng 20,000 asssistants at pagbili ng overpriced “dental buses.” Hindi lohikal ang ganitong mga bus kung titingnan ang pangangailangan ng publiko. Ang pinagsisilbihan ng ganitong proyekto ay political na interes, lalo na para sa eleksyon ng 2016 noon. Kinuha rin ni Garin ang kontrol sa Food and Drug Administration, na hindi pinakikialaman ng lahat ng nakalipas na kalihim para mapangalagaan ang interes at integridad ng ahensya.
Ang pinakamasamang naganap ay ang paglakas ng lobby ng Sanofi sa loob ng departamento. Dinala pa nila si Garin sa headquarters nila sa Paris upang makumbinsing bumili ng bakunang Dengvaxia kahit pa nga di pa nakakakuha ng endorsement ng mga internasyonal na awtoridad sa larangan ng medisina. Nakumbinsi rin ni Garin si Presidente Aquino na makipagkita sa mga opisyal ng Sanofi sa kabila nang mahigpit nitong iskedyul noong nasa kumperensya sa climate change noong Disyembre 2015.
Paghinto ng karera sa merkado
Pinatindi noon ng Sanofi ang pangungumbinsi dahil marahil ay natatakot itong maunahan sa pagbebenta ng dengue vaccine ng mga korporasyon sa US na nakakaungos na sa binubuong bakuna; mauuna ang mga ito na makuha ang pag-abruba ng Center for Disease Control (CDC) ng US. Makikita nga sa CDC website na may 5 anti-dengue vaccines noon na pinag-aaralan at ginagawa, at dalawa rito ay nasa abanteng estado na: ang TAK003 ng Takeda Corporation at Merck, at ang TV003 ng US National Institute of Health.
Habang tumitindi ang pressure kina Aquino at Garin, patuloy naman ang babala ng mga awtoridad sa medisina laban sa paggamit ng hindi pa subok na bakuna. Isang pag-aaral na maraming awtor ang lumabas sa prestihiyosong New England Journal of Medicine (Vol. 373, No. 13, Setyembre 24, 2015), at nagsabing, ayon sa mga clinical trial, mas tumaas ang panganib na magka-dengue ang mga batang nabakunahan nang hindi pa nagkaka-dengue, kaysa sa mga dati nang nagka-dengue nang tumanggap ng bakuna.
Sa katunayan, dahil sa matinding pagkabahala ng mga editor ng journal, kasabay ng artikulo ay naglabas sila ng sariling editoryal na pinamagatang “A Candidate Vaccine Walks a Tightrope.” Parang kidlat na tumama ang editoryal sa larangan ng pagsasaliksik sa dengue: “Ang pinakanakakatawag-pansin ay ang suhestiyon na ang CYD-TVC (Dengvaxia) ay maiuugnay sa pagtaas ng panganib na maospital dahil sa dengue ang mga batang may edad 9 (mas mataas pa ang panganib ng mga batang may edad dalawa hanggang 5 taong gulang) kapag sila ay nagkaroon dengue sa natural na paraan sa ikatlong taon pagkatapos ng pagbabakuna.”
Ang konklusyon ng editoryal: “Kulang pa kami sa matibay na ebidensya tungkol sa mga kakabit na sakit o panganib na dala ng bakuna. Isang di katanggap-tanggap na epekto ng bakuna ay ang pagbaba ng immunity ng makakatanggap nito. Dapat ay matibay ang epekto ng bakuna sa pagpapalakas ng immunity ng pasyente na di pa nagkakaroon ng dengue at iyong nagkaroon na… Ang mabatong daan tungo sa isang solusyon na bakuna ay nagpapatuloy."
Para kay Ona, ang pag-aaral at editoryal ay isang stop sign sa paggamit ng Dengvaxia. “Para sa isang propesyonal na mediko at opisyal ng gobyerno gaya ni Garin, obligasyon ang pagbasa ng ganitong artikulo, lalo na’t sinabayan ito ng isang kritikal na editoryal,” sabi ni Ona. “Malinaw na hindi pa handa ang bakuna para sa malawakang paggamit, lalung-lao na sa paggastos ng tatlong bilyong piso para sa pagbakuna sa mahigit 800,000 bata. Ang halagang ginastos dito ay mas malaki pa sa buong budget ng DOH para sa immunization.”
Ayon kay Ona, kalahati ng 20 awtor ng nasabing report ay mga tagapagsaliksik sa Sanofi mismo. “Tila sinasabi ng mga siyentista nila na hindi pa handang gamitin ang bakuna,” sabi niya. Iba ang pananaw ng nasa marketing ng Sanofi dahil handa na itong isara noon ang deal sa Pilipinas kahit may agam-agam ang sariling mga siyentista.
Pinabilis ni Garin ang mga bagay-bagay
May sarili ring agam-agam ang mga awtoridad sa medisina sa Pilipinas tungkol sa panganib ng Dengvaxia. Sa mga pagdinig kamakailan sa Senado, narinig ang pagkabahala ng mga ekspertong Fillipino noon dahil nga sa kakulangan pa ng sapat na clinical testing. Ngunit naganap pa rin ang pagbili rito at paggamit nito, at ayon nga kay Dr Kenneth Hartigan-Go na dating pinuno ng FDA, politikal na desisyon mula sa itaas na bilhin ang bakuna. Malaki ang naging papel ng FDA na bigyan ng Formulary Executive Council (FEC) ng exemption ang bakuna kahit pa nga walang ebalwasyon para maisama ito sa Philippine National Drug Formulary (PNDF). Matatandaang nasa ilalim na ng direktang kontrol ni Garin ang FDA, na dati-rati’y halos hiwalay na ahensya sa DOH.
Sa pagdinig ding ito kamakailan sa Senado, napag-alamang may malaki nang budget para sa Dengvaxia noong 2017 kahit di pa ito nakalista sa PNDF. Ayon kay Dr Melissa Guerrero, pinuno ng FEC, ngayon lang siya nakakita ng mabilis na pag-apruba ng alokasyon para sa isang gamot.
Sa maikling salita, nagmamadali ang Sanofi na maibenta ang bakuna, may pagmamadali rin noon sa bahagi ng Pilipinas na maisara ang deal. Ang resulta ay ang tinatawag ni Ona na “bangungot pangkalusugan” para sa bansa.
May nabayaran ba?
Ayon kay Ona, mula sa pananaw ng isang propesyonal, walang matibay na dahilan para gamitin na ang bakuna, kaya’t “maaaring may ibang factor na gumalaw dito.” Nang tanungin ko siya kung may binayaran kayang mga tao, ang sagot pa rin niya – bilang isang tunay na propesyonal – ay wala siyang kakayanan para sagutin ito, at dapat iwan na lang sa mga awtoridad ang paghanap ng sagot.
Napakahalaga na maimbestigahan ang nangyaring ito. Sabi ni Ona ang pagdedesisyon ay huminto kay Garin at hindi kay Aquino, dahil tungkulin ng kalihim ng DOH na bigyan ng payo ang presidente sa mga isyu tungkol sa pampublikong kalusugan. Ngunit dapat maisama sa mga taong may responsibilidad sa nangyari sina Aquino at kroni niyang si Butch Abad. Isang malaking korporasyon ang nagmadaling isara ang deal sa gobyerno ng Pilipinas, hanggang sa puntong napapunta nito ang Presidente sa kanilang headquarters – dapat ay nakita nina Aquino at Abad na lalong kailangan ng masusing pag-aaral dito. Puwera na lang kung may naging dahilan para hindi nila tingnan ang nagaganap noon.
Mahalagang imbestigahan kung may naganap na bayaran sa desisyon sa Dengvaxia dahil ginawa ito nang mag-eeleksiyon na ang bansa noon. Desperado noon sa paghahanap ng pondo ang Liberal Party, at ipinamalas na ng partido na kaya nitong balewalain ang matitino sa kanilang hanay para lamang makakuha ng pondo sa mga tulad ni Lilia Pineda, gobernador ng Pampanga at asawa ng tinaguriang hari ng jueteng na si Bong Pineda. Maaaring pinagkunan ng pondo para sa kampanya ang Sanofi.
Isang malaking kalokohan
Sa tingin ni Ona ito ay malaking kalokohan nang suspindihin ang pagbebenta at gamit ng Dengvaxia kamakailan at pagpapataw ng maliit na multang P100,000 sa Sanofi. “Hindi biro ito para sa 800,000 mga bata na nabigyan ng bakuna,” sabi niya. “Isipin mo na lang ang pinagdaraanan ng mga magulang ng mga batang ito na akala nila ay mabibigyan ng proteksyon ang mga anak nila sa dengue, ayun pala’y mas lalo pang tumaas ang panganib. Napakakumplikado at magastos na sundan ang magaganap sa mga batang ito para alamin ang kung sino at ilan ang namatay dahil sa bakuna, at para tiyakin na ang alam nilang lahat ang epekto ng bakuna nang sa gayon ay makagawa ng hakbang.” May alam si Ona na kaso ng isang batang namatay at tiyak niya na pinataas ng bakuna ang naging panganib sa dengue.
Sa kasamaang-palad, mahina ang parusa para sa mga krimen ng mga korporasyong tulad ng Sanofi – kadalasan ay multa lamang at di pagpapakulong sa mga opisyal nito or pagtanggal kaya ng mandato ng korporasyon. Isang araw marahil magkakaroon tayo ng International Criminal Court para sa mga krimen ng mga korporasyon, ngunit ngayon ay malaya pa ring nakakakilos ang mga korporasyong pirata tulad ng Sanofi. Maaaring mawala ang merkado ng Sanofi para sa bakuna dahil sa iskandalo, pero hindi ito sapat na parusa sa ganito katinding krimen.
Hindi man natin mahahabol ang Sanofi, puwede nating pagbayarin sa kasalanan ang kanilang mga lokal na partner dito. HIndi na natin kakayanin muli ang ganitong nakamamatay na pagtatagpo ng politika ng gobyernong barkadahan at ang kasakiman ng isang korporasyon. – Rappler.com
Basahin dito ang bersiyon sa Ingles.
Ang pagbibitiw ni Walden Bello sa Kongreso ang natatanging naitalang pagbibitiw ayon sa prinsipyo, dahil sa pagkakaiba ng paniniwala niya kay Presidente Benigno Aquino III sa isyu nga Disbursement Acceleration Program (DAP), sa trahedyang naganap sa raid sa Mamasapano, sa Enhanced Defense Cooperation Agreement sa US. Nagsilbi siya sa Kapulungan ng mga Representante mula 2009 hanggang 2015, at limang taong naging Tagapamuno ng Committee on Overseas Workers’Affairs. Isa siya sa mga prinsipal na awtor ng Reproductive Health Act.