Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Eh ano ngayon kung ma-padlock ang Rappler?

$
0
0

Mahal naming Millennial,

Bakit ba papansin ang Rappler sa gusot na pinasok nito? Eh ano ngayon kung masarhan kayo?

Makinig ka Millennial, dahil hindi malayo sa bituka mo ang bantang pagpapasara ng kahit na anong pahayagan o news organization sa Pilipinas.

Talakayin muna natin ang umano’y paglabag sa Konstitusyon ng Rappler.

Malaking kalokohang tawaging veto power ang iginawad ng Rappler Holdings Corporation, na siyang nagmamay-ari sa Rappler, sa mga Philippine Depositary Receipt holders katulad ng Omidyar Network.

Kahit papaano bali-baligtarin, walang karapatang magmay-ari o magdikta ang mga maytangan ng PDR tulad ng Omidyar Network dahil 100% Pilipino ang pagmamay-ari ng Rappler.  (Narito ang listahan ng madalas na itanong tungkol sa Rappler.)

Ayon sa paliwanang ng mga abogado ng Rappler katulad ni Francis Lim, ang linya sa papeles ng Omidyar na nagsasabing dapat nitong aprubahan ang mga pagbabago sa kumpanya ay pagtitiyak lamang na mapoprotektahan ang investment nito sa parent company ng Rappler. Kung sakaling magdesisyon ang Rappler na biglang magbago ng uri ng business, maaaring umalis ang Omidyar o kolektahin ang katumbas na halaga ng PDRs nito.

Walang ibinigay o ibinentang control sa Omidyar, na walang pakialam sa pang-araw-araw na pamamalakad ng Rappler o sa mga desisyong may kinalaman sa mga report o istoryang sinusulat o ibinobrodkast nito. 

Naninindigan ang Rappler na labis-labis ang kaparusahan sa ibinibintang ng Securities and Exchange Commission na di-umano'y paglabag ng online site. Sa kaso ng isang makapangyarihang telco, binigyan ito ng mahabang panahon upang ituwid ang pagkakamali. Ang hatol sa Rappler? Isara ‘yan.

Magbubulag-bulagan ba tayo at kalilimutan na binanggit ni Presidente Rodrigo Duterte noong SONA ng 2017 ang Rappler? Hindi ba siya ang unang nag-akusa na di-umano’y pagmamay-ari ito ng mga Amerikano?

Inuulit namin: 100% Pilipino ang nagmamay-ari sa Rappler at ang kalakhan ng shares nito ay tangan ng mga journalist ng kumpanya. Hindi ba't dapat itong ipagbunyi dahil masisiguradong mga journalist ang may control sa kumpanya?

Kagalang-galang na institusyon ang SEC pero manhid ba ito sa nakanginginig na ihip ng hangin ng pulitika? 

Lalo na kung ang Presidente mismo ang nangunguna sa pagbanat sa mga pinuno tulad ng Ombudsman at Chief Justice ng Korte Suprema? At sa isang salita niya’y di nalalayo ang atake ng mga alagang asong ulol sa social media at mga kakamping kolumnista?

Paano ipaliliwanag ang mabilis pa sa alas-singkong tugon ng Department of Justice na utusan ang National Bureau of Investigation na imbestigahan hindi lamang ang PDRs kundi pati na rin"kahit na anong krimen" ng kumpanya? 

Hindi ba't ang pangalawang nakaambang kaso ng cyber libel laban sa Rappler ay malinaw na pattern ng panggigipit? Malinaw na patunay ito ng fishing expedition ng NBI na handang ipukol pati na ang lababo sa Rappler.

Hindi ba't harrassment ang kasong biglang sumulpot tungkol sa isang istorya noong 2012, sa panahong di pa naipapasa ang Cybercrime Law? Nagkakabuhol-buhol na rin ang dila ng mga opisyal ng NBI na nagpipilit na ang teorya ng "continuous publication" ay swak sa bagong kaso ng Rappler. 

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi ito usapin ng press freedom. Talaga, Secretary? Hindi ba't ang economic attacks at corporate take-downs ang pangunahing modus ng maraming diktador laban sa media? Pangunahin na rito ang paboritong bro ni Duterte na si Russian President Vladimir Putin at ang iniidolo niyang si Ferdinand Marcos?

Attorney Roque, ang tawag po diyan ay "prior restraint" o baka naman nakalimutan niyo na ang natutunan sa human rights community sa maikling panahon bilang spokesman? Basahin po niyo ang pahayag ng dati niyong law firm

Mabalik tayo sa unang tanong. Why should you care, our dear Millennials? 

Mabalisa tayo dahil ang pamahalaang gumagamit ng corporate take-downs upang busalan ang mga tumutuligsa dito ay hindi mag-aatubiling sagasaan ang karapatan ng pangkaraniwang mamamayan.

Matakot tayo dahil manipestasyon ito ng pagkalasing sa kapangyarihan. Matakot tayo dahil ang balat sibuyas na pinuno ay ‘di kikilala ng kanyang pagkakamali.

Maalarma tayo dahil ang media, sa kabila ng mga kahinaan at kasalanan nito, ang nananatiling panangga ng mamamayan laban sa abusado at kurapt na pulitiko.

Higit sa lahat, ang pagkitil sa malayang pamamahayag ay magpapakitid ng kalayaan mong magpahayag. Ang dagok sa mga truth-teller ay dagok sa kalayaan ng mamamayang panagutin ang mga pinunong kanilang ibinoto. Dagok din ito sa karapatan ng mamamayang malaman ang katotohanan, higit sa propaganda ng gobyerno.

‘Wag nating bigyang kapangyarihan ang mga bully, lalo na kung ito ay ang sarili nating gobyerno. 

Kumatok na sila sa pinto ng 7,000 libong drug suspects, at alam n'yo na kung saan pinulot ang kanilang mga bangkay. 

‘Wag nating hayaang makandaduhan ang malayang pamamahayag. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>