Minamahal kong mga anak ng Diyos Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan:
Sa social media, nakalulungkot na nalantad kayo sa pagmumura, pagbabanta, at panghihiya ng Pangulo ng ating bansa. Piliin ninyong mahalin pa rin siya, ngunit manatili sa katotohanan ng ating pananampalataya. Magpakatatag kayo sa pananampalataya.
Marahil ay nakatanggap siya ng labis-labis na pagtanggi at sakit sa nakaraan, kaya't nagsasabog siya ngayon ng labis na poot at ngitngit. Kung sana'y busog siya sa pagmamahal, makapag-aalay din sana siya ng pagmamahal. Baka biktima siya ng may pilat na nakaraan at sugatang pinanggalingan.
Ipagdasal natin siyang may malasakit. Ipanalangin natin ang kanyang paggaling at ang pagpapatawad ng Diyos, subalit dapat pa rin nating ituwid ang kanyang mga kamalian tungkol sa ating pananampalatayang Kristiyano. Isang tao siyang may kapangyarihan at baka may ilan sa inyo ang malito kapag siya'y naririnig ninyo. Hindi sapat ang ipagdasal siya. Dapat nating ialay ang katotohanan kasabay ng pananalangin para sa kanya.
Isinusulat ko ito upang ipagtanggol kayo laban sa mabigat na kamalian na inyong naririnig. Kung tatahimik lang ako, baka kayo ay malinlang. Ipinagkaloob kayo ng Diyos sa amin, kaming inyong kaparian sa Lingayen-Dagupan, bilang aming mga anak. Tungkulin naming magturo sa inyo. Maaaring may ilan sa inyo na hindi ako papansinin o kaya'y sawayin ako; ngunit hindi niyan ako mapatitigil na turuan ang mga tapat na naghahanap ng paggabay. Hindi ako maaaring huminto sa pag-aalay sa inyo ng katotohanan.
Narinig naman ninyo kung paanong tinuligsa ng Pangulo ang ating mga Kristiyanong paniniwala. Paulit-ulit na pinagtatawanan ang salaysay ng paglikha. Narinig din ninyo na sinusumpa niya ang Diyos. Tinawag ang Diyos sa kung anu-anong nakaiinsultong pangalan – mga salitang sinasabi naming huwag ninyong sasambitin o kahit pa nga isusulat. Hinahamon pa kayo na tumiwalag sa Simbahan na inyong kinagisnan, ang Simbahan ng inyong mga lolo at lola.
Narito ang ilang tanong at tamang sagot mula sa YouCat (Young Catechism of the Catholic Church) at hinikayat ko kayong basahin ito.
Bakit tayo nilikha ng Diyos?
Nilikha tayo ng Diyos mula sa pag-ibig. Diyos ay pag-ibig. Huwag na huwag ninyo itong pagduduhan.
Ano ang relihiyon?
Ang relihiyon ay ang likas na paghahanap ng tao sa Diyos. Inilagay ng Diyos sa ating kalooban ang isang uri ng kawalang-kapanatagan na matutugunan lamang kapag nanahan tayo sa Diyos.
Ano ang ibig nating sabihin kapag sinasabi nating "Nilikha ng Diyos ang daigdig?"
Hindi nangangahulugan na mismong ang Diyos ang tuwirang nilikha ang buong mundo ng sabay-sabay, at nabuo na sa 6 na araw, na para bagang ang Aklat ng Genesis ay isang kuwento ng pagsaksi. "Creationism" ang tawag sa kamaliang ito. (YouCat 41)
Napakaliteral ng interpretasyon ng "creationism" sa Biblia. Mali ang ganitong pag-unawa sa turo na "Nilikha ng Diyos ang daigdig."
Ang salaysay ng paglikha ay hindi isang siyentipikong modelo upang ipaliwanag kung paano nagsimula ang mundo. Kapag sinasabi nating "Nilikha ng Diyos ang daigdig," sinasabi nating niloob ng Diyos ang mundo. Nangangahulugan na ang daigdig ay hindi lang basta lumitaw.
Bawat isa sa atin ay bunga ng diwa ng Diyos, bawat isa ay minamahal, bawat isa ay kailangan. (Papa Benedicto XVI)
Nais ba ng Diyos na tayo'y magdusa at mamatay?
Hindi gusto ng Diyos ng tayo'y magdusa at mamatay. Pakinggan ang sinasabi ng mga banal.
Nawala sa atin ang Paraiso, ngunit tinanggap natin ay langit; ang gantimpala ay higit sa nawala. (San Juan Crisostomo)
Hindi nasisira ng kahinaan ng tao ang mga balak ng Diyos. Nakakapagtrabaho ang maestro karpintero kahit sa nahuhulog na mga bato. (Cardinal Michael Von Faulhaber)
O Diyos, pagbagsak ang tumalikod sa iyo. Pagtindig ang pagbaling sa iyo. Tiyak na pag-alalay ang manataili sa iyo. (San Agustin)
Hindi ba tanda ito ng kagandahan at karunungan ng Diyos? Tanging ang maganda at magaling na Diyos ang may kakayahang gawing dakilang biyaya ang pagkakasala. Ayaw ng demonyo ang ganitong uri ng pag-ibig. Hindi maunawaan o ayaw tanggapin ng demonyo ang napakalinaw. Nabubulagan ng kapalaluan ang demonyo kaya hindi siya makapagmahal tulad ng Diyos.
Ano ang kasalanang orihinal?
Bagama't ipinahihiwatig ng kasalanan ang pananagutan tao sa kanyang nagawa, hindi ganyan ang kasalanang orihinal.
Ganito ang paliwanag ni Papa Benedicto XVI. Isinilang ang tao na may patak ng nakalalasong pag-iisip ng "di pagtitiwala sa Diyos." Ang tingin ng tao sa Diyos ay bilang "karibal" o "kalaban" na sumisikil sa ating kalayaan. May dalang "pagduda sa Diyos" ang tao. Inaakala ng tao na magiging ganap na tao tayo kung isasantabi natin ang Diyos. Nagtitiwala pa ang tao sa daya kaysa katotohanan. Dahil sa ganitong hilig, nahuhulog ang tao sa kahungkagan at kamatayan. Ganyan ang kasalanang orihinal. Dumating si Hesus upang iahon tayo sa ganyang kahungkagan at kamatayan.
Ano ang kahulugan ng "Simbahan"?
Ang Simbahan ay tayong lahat na tinawag ng Diyos. Ang Simbahan ay hindi lang mga obispo at pari, diyakono, at madre. Ang Simbahan ay sambayanan, ang mga taong sama-samang tinawag ng Diyos. Nais ng Diyos na iligtas tayo, hindi bilang indibidwal, kundi bilang magkakasama. Itinutuloy ng Simbahan ang sinimulan ni Jesus.
Makasalanang institusyon ba ang Simbahan?
Kung tingnan sa labas, ang Simbahan ay isa lamang institusyong lumitaw sa kasaysayan, masasabing may mga kagitingan at mga kahinaan. Sa kasaysayan nito, marami siyang nagawang kamalian – at krimen pa nga – totoong Simbahan ng mga makasalanan.
Ngunit ang ganyang pananaw ay mababaw at kulang.
Sangkot na sangkot si Kristo sa ating mga makasalanan, kaya't hindi niya pinababayaan ang kanyang Simbahan, kahit ipinagkakanulo siya nito araw-araw.
Ang Simbahan ay isang burda ng sala at biyaya. Sa Simbahan, ang makasalanang pagkatao at banal na pagkadiyos ay iisa. Hindi iniiwan ng kabanalan ng Diyos ang Simbahan.
Panahon na bang huminto sa paniniwala sa Diyos?
Sabi ni Papa Benedicto XVI, "Kapag naglalaho ang Diyos, hindi bumubuti ang mga tao. Nawawala ang kanilang dangal at kaluwalhatian at sa bandang huli ay naaabuso at nagagamit."
Ito ang ipinakikita ngayon ng pambansang kalagayan. Kapag binabalewala natin ang Diyos at minumura ang kanyang ngalan, mas madali na ang pagpatay. Naging normal na ang magnakaw. Tinatawanan ang kabastusan. Pinapalakpakan ang pangangalunya. Dahil gusto lang nating maalis ang Diyos sa ating buhay.
Ano ang ikalawang utos?
Huwag mong lapastangin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos.
Ano ang hinihingi ng ikalawang utos?
Napakalaking kasalanan ang lapastanganin ang Diyos, ang magmura na gamit ang ngalan ng Diyos. Ang mga pook, bagay, ngalan, at tao na nadantayan ng Diyos ay "banal." Ang pagiging "sensitibo" sa banal ay tinatawag na "pitagan."
"Pitagan ang haliging iniikutang ng daigdig," ani Johann Wolfgang Van Goethe. Kapag tinatabig natin ang pitagan sa banal, sinisira natin ang sandaigdigan.
Ano ang tungkulin ng mga mamamayan sa Estado?
Dapat mahalin ng Kristiyano ang kanyang bayan. Dapat nating ipagtanggol ang ating bansa sa panahon ng pangangailangan, paglingkuran ang mga institusyon nito, magbayad ng buwis, bumoto at kung kailangan ay tumakbo para sa posisyon sa gobyerno. Bawat Kristiyano ay may karapatan na magbigay ng konstruktibong puna sa Estado at sa mga galamay nito. Ang Estado ay nariyan para sa tao, hindi ang indibiduwal para sa Estado (YouCat 376).
Kailan tayo dapat sumuway sa Estado?
Kapag ang Estado ay nagtatakda ng mga batas at patakaran na racist, sexist, o mapanira sa buhay ng tao, ang isang Kristiyano ay inuudyukan ng budhi na sumuway sa Estado, tumangging makilahok, at magpahayag ng pagtutol.
Panawagan at paalala
Minamahal kong mga anak sa Arkidiyosesis ng Lingayen-Dagupan, magdasal tayo ng rosaryo, magkumpisal, at madalas na tumanggap ng Banal na Pakinabang. Nasa digmaan tayo ngayon laban sa kamalian at kasalanan. Protektahan ninyo ang inyong sarili laban sa mali at gabayan ang inyong kapwa kabataan tungo sa kabanalan. Magbasa pa tungkol sa pananampalataya. Pag-aralan ang tunay na turo ng Simbahan.
Huwag magtanim ng galit, ngunit maging mapanuri at mapangilatis. Maging magalang sa inyong mga magulang at sa mga may katungkulan at piliin ang mabuting asal sa lahat ng sandali, kahit kabaligtaran ang inyong naririnig at nakikita. Lakasan ninyo ang inyong loob, ngunit manatiling mapagmahal sa lahat ng oras. Maging matatag sa pananampalataya. Bawal ang duwag, ngunit huwag makipag-away. Gapiin ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan (Roma 12:21) – Rappler.com
Si Socrates B. Villegas ang arsobispo ng Lingayen-Dagupan. Dati rin siyang pangulo ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines. Isinulat ni Villegas ang mensaheng ito, unang una, para sa kabataan ng Lingayen-Dagupan. Mayroon din itong bersyon sa Ingles.