Sa kabila ng alingasngas na nilikha ng “God is stupid” na puna ni Rodrigo Duterte, may isang tamang sinabi ang presidenteng walang preno ang bibig: “My God is perfectly sensible.”
Lahat tayo’y naniniwalang makatuwiran o “perfectly sensible" ang ating Poon. Relihiyon ang pinakamagandang ehemplo ng “cognitive bias.”
“Perfectly sensible” man ang Panginoon ni Digong, walang duda na s’ya bilang tao ay HINDI.
Perfectly sensible?
Kung “perfectly sensible” kang tao, madaling maintindihan ang isang “perfectly sensible” na konsepto: respeto. Hindi mo na bubusisiin ang mitolohiya sa likod ng mga kuwento ng isang banal na libro. Igagalang mo ang mga relihiyon, sumasang-ayon ka man o hindi.
Kinikilala ng isang “perfectly sensible” na tao ang sariling kahinaan at limitasyon. Hindi siya hambog na ipangangalandakan na perpekto ang pag-unawa niya sa mga misteryo ng buhay.
Kung “perfectly sensible” ka, mamatamisin mo ang umiiral na paggalang sa pagitan ng mga relihiyon sa Pilipinas.
Religious intolerance ang apoy sa puso ng ISIS at Al Qaeda. Religious intolerance ang isa sa mitsa ng hidwaan sa pagitan ng mga Hudyo at Palestino sa Middle East, at sa pagitan ng mga Muslim na Rohingya at mayoryang Buddhist sa Myanmar.
Sa kasaysayan ng mundo, and konsepto ng pagiging superior ng isang lahi o relihiyon ang rasyonalisasyon ng ethnic cleansing ng Third Reich ni Adolf Hitler, ng persekusyon ng mga unang Kristiyano sa Roma, at kolonisasyon ng paganong Third World.
Ikinuwento ng religious skeptic na si John E. Remsburg na, sa Tsina, mapayapang umiiral ang Buddhism, Confucianism, at Taoism. At kapag nagkasalubong ang mga monghe, ito ang batian: “Maraming pananampalataya; iisa ang katuwiran; lahat tayo’y magkakapatid.” (Religions are many; reason is one; we are all brothers.)
At kung “perfectly sensible” kang presidente, yayakapin mo ang kapatiran ng mga relihiyon. Iwawaksi mo ang pangugutya at pagkamuhi sa pagitan ng iba’t ibang paniniwala.
Perfectly devious
Pero hindi nga “perfectly sensible” si Digong at sa halip ay “perfectly devious.”
Dahil kung lalagumin ang relasyon ni Duterte sa Simbahang Katoliko, lilitaw na ang “God is stupid” quote ay bahagi ng isang istratehiya at vendeta.
Tulad ng paninira niya sa media, sa hudikatura, at sa oposisyon, binabanatan n'ya ang mga paring babaero at nangmomolestiya (na may bakas ng katotohanan) upang sirain ang kredibilidad ng simbahan bilang institusyon – isang institusyon na minsan nang naging instrumento ng pagbabago noong People Power Revolt.
Ginagamit ni Digong ang humihinang kredibilidad ng simbahan upang pilayan ang isang poste ng pagbabago at pag-aaklas. Pasok sa narrative na ito ang drama ng mga alipores ng Pangulo na sinabi lamang daw ’yun ni Duterte dahil gusto niyang makita kung sino ang mga nagpapakulo ng destabilisasyon.
At sa isang banda, nagpakahon din sa narrative na ito ang mga pari at obispo– habang may ilang umalma, ang kalakhan ay umiwas, yumuko, at tila natameme.
Kalipunan ng mga evangelical churches ang nakasapul sa buod ng problema: “Mapanganib ang religious intolerance, ito’y nauuwi sa malalim na poot at bayolenteng labanan.”
Sa dalawang taon n’yang pamumuno, nagpamalas si Duterte ng husay sa pagdi-divide and conquer, na kakambal ng intolerance n’ya sa mga kritiko. Pinalala niya ang hidwaan ng mahirap at mayaman. Binalahura ng state-sponsored propaganda machine ang internet ng mga Pinoy. Binigyan ng license to kill ang pulisya.
Sa kamalasan ng bayang pinamumunuan, hindi hinubog sa imahe ng kanyang “sensible God” si Duterte.
Mukhang hinulma si Digong sa imahe ng diyos ng hidwaan. – Rappler.com