Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Para sa kapakanan mo, oposisyon ang iboto

$
0
0

 

Nakasalalay sa boto mo sa Mayo 13 ang kalidad ng buhay mo sa susunod na 3 taon.

Nakabitin ang maraming minadali at mapaminsalang polisiya ng administrasyon. Kabilang sa mga ito ang pagpapatuloy ng kampanya kontra-droga, maka-China na paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte, at ang pagsusulong ng federalismo sa pamamagitan ng pagbabago ng Konstitusyon.

Hindi natin kakailanganin ang isang Senado na basta na lamang magpapatibay sa mga ito at sa iba pang hakbangin nang walang pagkilatis at walang paglilimi. Hindi trabaho ng Senado na maging sunod-sunuran sa lahat ng gusto ni Duterte at pagbigyan ang lahat ng nais niya.

Ngayon, higit kailanman, kailangan nating maghalal sa Senado ng naninindigan, nagkakaisang oposisyon na kokontra sa mga mapanirang pamamaraan ng administrasyon.

Sa artikulong ito, susuriin natin ang mga kaduda-dudang polisiya, at kung bakit para sa kapakanan mong iboto ang oposisyon sa Mayo 13.

Kampanya kontra-droga

Una, hindi natin kailangan ang Senadong patuloy na magbubulag-bulagan sa walang-saysay at di-makataong kampanya kontra-droga. Halos 3 taon na ang lumipas nang magsimula ito, ngunit lalo lang lumalala ang problema natin sa droga.

Maging si Duterte mismo ay nagsabi noong Abril 2 na lubhang nabigo ang kaniyang kampanya kontra-droga: “I cannot control those drugs, son of a bitch. Even if I ordered the deaths of these idiots, drugs remain, still intensifying.”

Ipinangangalandakan­­ ng dating punong tagapagpatupad ng kampanya kontra-droga na ngayon ay tumatakbo sa Senado na naging “successful” o matagumpay ang kaniyang kampanya. Wala siyang batayan kundi ang hinuha niya.

Ani Bato dela Rosa, “If many believe that the number of drug addicts has gone down, then somehow we are successful.”

Sa katunayan, maaaring maging makapangyarihang tinig ang Senado laban sa kampanya kontra-droga.

Napigilan nga ng Senado ang badyet na P900 milyon noong 2018 para sa “Oplan Double Barrel” at ang P500 milyon para sa drug surveillance program na “Masa Masid” ng Department of the Interior and Local Government.

Ngunit ganap ba nitong napahinto ang Philippine National Police sa pagpapatupad ng kampanya kontra-droga?

Nakababahala na maraming senador ang nanatiling tahimik tungkol sa kampanyang ito, o kaya ay nakontento na sa mga paimbabaw na pahayag nila. Para na rin nilang ipinagwalang-bahala ang libo-libong extrajudicial killing at hinayaan si Duterte at ang mga pulis na ipagpatuloy ang kanilang nakapangingilabot na aliwang pagpaslang sa mga inosenteng mahihirap.

Para hindi na dumami pa ang bilang ng mga namamatay, kailangan na nating wakasan ang kampanya kontra-droga. Ngunit magiging suntok sa buwan ito kung mananatiling mas marami ang maka-Duterte sa Senado.

Paninindigang maka-Tsina

Kung walang malakas na oposisyon sa Senado, asahan mong patuloy ang pagpasok ng maraming Tsino at pangingialam ng mga opisyal ng gobyerno ng Tsina sa ating mga ugnayang domestiko.

Ang foreign policy ay isa ring area kung saan epektibong maiwawasto ng Senado ang mga aksiyon ng Pangulo.

Halimbawa, dahil sa mga mapanggipit na loan agreement na pinasok ng Department of Finance, nasa kapangyarihan ng Senado na suriin ang mga katulad na kasunduan sa pamamagitan ng paglilitis sa mga opisyal na nagkasala at baligtarin ang mga naturang kasunduan kung kinakailangan.

Pero gaya sa kampanya kontra-droga, masaya na ang karamihan sa mga senador na hayaan lang si Duterte.

Pinakatalamak ang bulag na pagsang-ayon ng Senado pagdating sa patuloy na agresibong pananakop ng Tsina sa mga teritoryo natin (at sa pang-aabuso nila sa mga likas na yaman natin) sa West Philippine Sea.

Nagkakaisa ang mga eksperto na naging pabaya ang Senado sa pagtatanggol sa ating soberanya. Lulubha pa ito kung mananatiling mas marami ang maka-Duterte sa Senado.

Sa ika-36 anibersaryo ng PDP-Laban (ang partido ni Duterte), inimbitahan pa ng ilang senador ang matataas na opisyal ng Communist Party of China bilang mga panauhing pandangal.

Sinabi rin kamakailan ni Imee Marcos na dapat hindi natin binangga ang Tsina sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso sa The Hague: “We started it. We picked a fight and then it turns out we’re no match against them. What kind of thing is that? We’re really looking for trouble.”

Mabuti na lang, nariyan ang Otso Diretso– at ilang indibiduwal na tumatakbo sa pagkasenador tulad ni Neri Colmenares– na may marurubdob at matitibay na katuwiran laban sa labis na pagsamba ni Duterte sa Tsina. Narinig natin sila sa pinakahuling senatorial debate ng CNN Philippines.

Federalismo sa pamamagitan ng pagbabago ng Konstitusyon

Panghuli – at marahil ang pinakanakababahala – ang kabiguan nating maihalal ang sapat na miyembro ng oposisyon sa Senado ay maaaring magbigay ng daan para sa ganap na pagsusulong ng federalismo ni Duterte.

Ipinasa na ng Kamara ng mga Representante sa pangatlo at panghuling pagbasa ang draft ng konstitusyon na magbabago sa ating sistemang unitary patungo sa isang sistemang federal.

Ngunit ang draft, na dinirekta ni outgoing Speaker Gloria Macapagal Arroyo, ay tahasang nagtanggal ng mga term limit ng mga mambabatas at ng pagbabawal sa political dynasties – isang hakbang na pinaniniwalaan ng mga eksperto na maglulundo sa pagpapalakas ng mga dinastiya.

Inamin din ng mga economic manager ni Duterte na maaaring salantain ng federalismo ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalobo ng “budget deficit” (o kakulangan ng pondo) at lubhang pagpapataas sa interes ng mga utang. Maaari rin nitong pataasin ang mga gastos sa pagnenegosyo sa buong bansa.

Pinakanakagigimbal, mayroong mga tinatawag na “transitory provisions” sa draft constitution, na ikinatatakot ng mga eksperto sa batas. Maaaring gamitin ng administrasyong Duterte ang mga ito para manatili sa kapangyarihan at magdeklara ng “revolutionary government.”

Lubhang nakababahala ang masyadong mabilis na pagpasa sa di-katanggap-tanggap na draft constitution na ito. Sinuwerte lang tayo: bahagyang nahuli ang Arroyo draft upang ganap na mapagtibay.

Pero kung walang sapat na oposisyon sa Senado, madali na nilang mapagtatagumpayan ang proyektong ito para sa federalism – kasama na ang lahat ng kasumpa-sumpang probisyon nito.

Ani reelectionist Koko Pimentel, maaari na raw pabilisin ng Senado ang pagpasa sa federalismo matapos ang eleksiyon sa Mayo 13.

Iboto ang oposisyon

Binibigyan tayo ng pagkakataon ng eleksiyon sa Mayo 13 na pigilin ang Senado na maging bulag na tagasunod ni Duterte – kung maituturing pa silang hindi nga bulag.

Ngunit ipinakikita sa mga survey na lubhang nakatitiyak ang Filipino na iboboto pa rin ang mga kandidato ng administrasyion. Tanging si Bam Aquino ng Otso Diretso ang nakapasok sa “Magic 12” sa pinakabagong survey ng Pulse Asia.

Ang huling taon na nagkamit ang oposisyon ng iisang puwesto sa Senado ay noon pang 1967, o mahigit kalahating siglo na ang nakalilipas.

Ang ganitong kawalan ng oposisyon sa Senado ay maaaring tuluyang bumuwag sa ating mga demokratikong institusyon at magpahirap sa buhay ng milyon-milyong Filipino.

Kung pinahahalagahan mo ang buhay – at gusto mo nang wakasan ang walang-saysay na pagpatay dulot ng kampanya kontra-droga – iboto mo ang oposisyon.

Kung iginagalang mo ang soberanya ng ating bansa – at nais umiwas sa pagpasan sa mapanggipit na utang mula sa Tsina, at gustong tutulan ang pang-aabuso ng mga Tsino sa ating mga likas-yaman sa West Philippine Sea – iboto mo ang oposisyon.

Kung gusto mong tutulan ang proyektong federalismo ng administrasyon – at gustong pigilan ang di-kinakailangang gulo na idudulot nito sa ating sistema ng pamahalaan – iboto mo ang oposisyon.

Huwag kang panghinaan ng loob sa mga nakadidismayang resulta ng mga survey. Sa halip, buong dangal kang magtungo sa iyong polling precinct sa Mayo 13 at bumoto para sa mga kandidato ng oposisyon na tumutugma sa sarili mong mga pananaw at paninindigan.

Para rin ito sa iyong kapakanan. – Rappler.com 

Ang may-akda ay PhD candidate sa University of the Philippines School of Economics. Ang kaniyang mga pahayag ay di sumasalamin sa mga posisyon ng kaniyang mga kinabibilangang grupo o organisasyon. Salamat sa tulong ng Salimbayan sa pagsasalin sa Filipino ng orihinal na artikulo. Sundan si JC sa Twitter (@jcpunongbayan) at sa Usapang Econ (usapangecon.com).


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>