Makabuluhan ang rally ng Iglesia ni Cristo (INC) na isinagawa sa loob ng 5 araw nitong Agosto. Mabibigat ang mga panlipunang usapin na pinatingkad ng mga pangyayaring naganap.
Ayon sa INC, nagprotesta sila dahil tinanggap ni Justice Secretary Leila de Lima ang reklamong illegal detention ng dating ministro ng INC na si Isaiah Samson laban sa ilang miyembro ng kanilang liderato. Masyado raw pinaboran ni De Lima ang kasong ito. Dapat daw bigyan ng pansin ang higit na mabibigat na isyu, tulad ng pagkamatay ng mga sundalo sa Mamasapano at 'yung katiwalian ng Disbursement Accelaration Program o DAP. Dahil dito ay nilalabag diumano ng gobyerno ang prinsipyo ng “separation of church and state.”
Mali ang interpretasyon ng INC sa prinsipyong ito. Habang hindi dapat pakialaman ng gobyerno ang pananampalataya (o di pananampalataya) ng bawa’t mamamayan, hindi ito nangangahulugan na walang karapatan ang gobyernong manghimasok sa anumang relihiyosong institusyon kapag may naganap na krimen.
Umiinit ang ulo ko sa palusot na “marami pang ibang higit na mahalagang isyu at bakit kami pa ang tinutukan.” Kasinungalian ito dahil paulit-ulit nang ipinaliwanag ng Department of Justice Ona idinaraan sa tamang paraan ang kaso. Inaasahan ba nila na huwag na lang pansinin? At ano kung marami pang ibang kaso na mas mabigat? Lahat na lang ng kinakasuhan na makapangyarihan ay ganito ang palusot – na pinag-iinitan sila, na pinupulitika sila, na mayroong higit na “big time” na dapat unahin.
Higit na nakakainis na gamitin ang pangangatwirang ito ng isang grupong ipinangangalandakan ang pagsunod sa tamang landas, isang grupong naniniwala na, sa kaharian ng Diyos, walang pagkakamali, maliit man o malaki, ang hindi mabibigyan na karampatang parusa.
Sa ilalim ng Konstitusyon natin, may tungkulin din ang mga relihiyon sa taumbayan. Dapat ding hindi sila makialam sa gobyerno. Linawin natin ito: may karapatan ang lahat ng relihiyon na magtatag ng organisasyon, magtayo ng mga kapilya, magparami ng mga kasapi, magpatupad ng mga patakaran, at magpahayag ng mga opinyon na sang-ayon sa kanilang pananampalataya. Bawal makialam ang gobyerno sa mga gawaing ito.
Nguni’t hindi rin dapat gumawa ng mga hakbang ang anumang relihiyon upang paboran sila ng gobyerno kaysa ibang relihiyon o mga indibidwal na may ibang paniniwala.
Kaya sa akin lang, ang ginagawang bloc voting ng Iglesia ay paglabag din sa prinsipyo ng separation of church and state. Ang kaisa-isa kong boto ay nawawalan ng integridad dahil sa pinagsamang lakas ng bloc votes.
Kaya naman hindi nakapagtataka na napakaraming bulok na pulitiko ang sunod-sunuran sa INC. Di nakapagtataka na kaya nilang iluklok sa puwesto ang ilan sa kanilang miyembro o kinagigliwang tao. Kaya’t umiling na lang ako nang ang Iglesia pa ang lumaban para sa prinsipyo ng “separation of church and state” na matagal na nilang nilabag upang maging makapangyarihan sila.
Respeto sa relihiyon
Dapat respetuhin ang pananampalataya o di pananampalataya ng bawa’t isa. Mayroon akong empleyado na Iglesia. Bukas sa loob kong bigyang daan ang kanyang pagsamba kahit dapat ay nagtatrabaho siya. Hindi ibinabawas sa suweldo niya ang undertime niya kapag sumasamba siya. Sa trabaho niya, dapat ko siyang maasahan, kahit Sabado o Linggo. Nguni’t ni minsan hindi siya nakarinig sa akin kapag hindi niya magampanan ang trabaho niya dahil sa pagsamba.
Ang aking respeto ay humahantong sa hindi pagbatikos sa pananampalataya ng iba kahit pa sa tingin ko ay mali ang sinasabi nila tungkol sa Diyos. Huwag lang nilang ipilit sa akin o sa iba, nananahimik naman ako. Nguni’t kapag karapatan na ng ibang tao ang nakasalalay, kapag may krimen nang naganap, naperwisyo ang marami sa trapik, o nanghihimasok ang isang relihiyon sa mga proseso ng hustisya, hindi na protektado sa panghihimasok ng gobyerno ang anumang relihiyon o pribadong institusyon.
At kapag nagpahayag ang mga relihiyoso ng opinyon sa anumang isyung politikal – reproductive health man o tungkol sa paghiwalay ng simbahan o estado – hindi na pambabastos ang batikusin sila ng kapwa mamamayan.
Nabisto ang mga trapo
Nagkabistuhan tuloy kung sino ang mga pulitikong isusuko ang diwa ng ating Konstitusyon para sa boto. Alam ng mga sumulat ng Konsitusyon at ng taumbayan na nagpatibay nito na hindi dapat iasa lamang sa kabanalan ng mga relihiyoso ang paniniguro na walang nakakalamang sa gobyerno. Tungkulin ng mga inihalal ng taumbayan na huwag bigyang daan ang kahit anong relihiyon na naghahangad na sakupin ang gobyerno.
Inasahan kong hindi kukunsintihin ng mga namumuno ang nangyaring rally. Oo nga’t hindi puwedeng yurakan ang karapatang mag-rally. Sang-ayon ako sa posisyon ng DILG na “maximum tolerance” sa karapatang iyon. Nguni’t iba ang pagbibigay respeto sa kanilang karapatan, iba ang pagsang-ayon sa baluktot nilang katwiran.
Kaya’t laking gulat ko nang kinunsinti pa ng ilang pulitiko ang nangyari. Ayon kay Senator Chiz Escudero, di dapat pakikialaman ang panloob na pamamalakad ng INC. Para raw itong problema ng isang pamilya na dapat ayusin sa loob ng pamilya.
Hello, Senator? May isang mamamayan ng Republika na nagngangalang Isaiah Samson na nagsasabing ang mga batas ng bayan ay nilabag. Ang tawag mo doon ay, "panloob na pamamalakad ng Simbahan"? Dagdag pa, hindi na nila kapamilya si Samson. Itiniwalag na nila.
Naku, ha? Hayaan na rin natin na abusuhin ng tao ang kanyang anak at asawa, panloob lang naman na away 'yun. At sakaling may gusto akong ipapatay, ipapagawa ko sa loob ng simbahan sa pari, ministro, o imam.
Ayon naman kay Senator Grace Poe, “Ang mga tao na 'yan, ang dinedepensahan nila ay ang kanilang paniniwala.”
Hindi po, Senador. Ang mga taong 'yan ang nanghimasok sa gobyerno. Sa totoo’y naiintindihan ko kung ang mga pari at ministro ay gustong palakasin ang kanilang mga simbahan at sakupin ang gobyerno – di ako sang-ayon nguni’t naiintindihan ko. Ang hindi ko maintindihan ay ang isang inihalal na opisyal na handang isuko ang gobyerno sa anumang simbahan. Sumumpa kang ipagtatanggol ang Republika ng Pilipinas, ganyan mo ipagtatanggol?
Pinakasipsip itong Si VP Jejomar Binay, na binaligtad pa ang katotohanan. Tinanggap nang buong-buo ang linya ng INC na sila ang inaapi.
Baliktad po, VP Binay. Sinubukan po ng isang grupo na pilitin ang gobyerno na isantabi ang seryosong kaso laban sa kanila. Ganun po ba ang balak ninyo kung maging presidente na kayo? Na isuko ang Republika sa kahit sinong nagra-rally na may hawak na humigit kumulang na 2 milyong boto?
Insulto ang panawagan nina Poe, Escudero, at Binay na magpaliwanag si Secretary De Lima sa mga nagra-rally na INC. Kaunting respeto naman po sa kapwa kawani ng gobyerno. Hiwalay po ang lehislatura sa ehekutibo. Ang boss po ni De Lima ay ang Presidente. Siya ang may karapatang magsabi kay Secretary De Lima kung papaano niya gagawin ang trabaho niya. At kahit Presidente pa man siya, wala siyang kapangyarihang sabihin kay De Lima na labagin ang batas.
Kapangyarihan ng social media
Mabuti na lamang at may social media. Tawagin na akong OA, nguni’t tila nanganib ang ating demokrasya noong mga araw na iyon. Sa aking palagay, hindi dapat bumigay ang gobyerno. Nguni’t tila si Pangulong Aquino lamang at ang kanyang gabinete ang handang manindigan. Hindi ako nakakaseguro na kakayanin nilang lampasan ang walang-panalong sitwasyon na kinalalagyan ng gobyerno dahil sa rally ng INC.
Hanggang nabalitaan ko ang trending ng #DeLimaBringtheTruth sa twitter. Hanggang sa iba’t ibang paraan – text, Facebook, reaksyon sa mga online na pahayagan – naging malinaw ang sentimyento ng taumbayan.
Sa aking palagay, nagkaroon ng magandang resolusyon ang gulo dahil din sa aktibismo ng pagkarami-raming tumutol sa pagkilos ng INC at sa mga pulitikong kunsintidor.
Sa aking palagay, hindi naisip ng mga taga-INC at ng mga trapo ang kapasidad ng milyon-milyong Filipino na magbigay ng opinyon sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya sa komunikasyon.
At ito, ang isa pang makabuluhang naganap. Ngayon ko pa lang nakita sa Pilipinas na may isang politikal sitwasyong nalutas ang social media sa paraang hindi inasahan ng mga kampong sanay sa pulitika at power play.
Makabuluhan ang mga huling araw ng Agosto para sa ating bayan. Dahil sa pinagsama-samang lakas ng netizens at sa paninidigan ng ilang opisyal, binuhay natin ang atin Konsitutsyon. Marami pang gagawin upang maging ganap ang prinsipyo ng paghihiwalay ng simbahan at estado. Harinawa’y ang nangyari nitong Agosto ay isang magandang simula. – Rappler.com