Isang pagpapamalas dapat ng kapangyarihan at lakas ang pagdagsa nila sa EDSA. Isang panawagan iyon sa mga kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) na tutulan ang umano’y panghihimasok ng pamahalaan sa mga panloob na usapin ng matandang iglesia.
(READ: English version of #AnimatED: Iglesia ni Cristo's diminished clout in 2016)
Ipinaabot hanggang Cebu at Davao ang utos na magprotesta sa kalsada. Ambisyoso ang tinarget nilang laki ng pagtitipon: isang milyong miyembro. Dapat ay bawal sa mga taga-INC ang sumali sa mga rally; nakakagulo anila ito sa katiwasayan at kalagayan ng lipunan. Pero noong Huwebes, Agosto 27, pagkatapos ng kanilang lingguhang pagsamba, inutusan sila ng mga ministro na tumuloy sa Department of Justice para umano’y ipaglaban ang kanilang pananampalataya’t doktrina. “Lamay” daw ang ginagawa nila, pero pinagandang tawag lang iyon sa “rally” – ano pa’t meron silang stage, naglalakasang speaker, at mga tarpaulin.
Ipinagkalat ng mga lider nila na naglabas na ng warrant of arrest si Justice Secretary Leila de Lima laban sa 8 miyembro ng Sanggunian na inireklamo ng pinatalsik na ministrong si Isaias Samson Jr – na siya ring nagbunyag ng korupsiyong nangyayari sa loob ng iglesia. Katunayan, wala pa ngang naitatalagang tagausig na magsasagawa ng pangunang imbestigasyon dito.
Nakaangkla sa isang kasinungalingan ang panawagang magprotesta ang kawan ng INC. Hindi ito nakita o tinanggihan itong makita ng ilang mga miyembro. Patunay na maaring mahadlangan ng relihiyon ang pag-intindi at mapanuring pagpuna sa sitwasyon.
Sinulsulan ng mga ministro ng INC ang kanilang mga miyembro, umano’y espesyal na atensiyon ang ibinibigay ni De Lima sa illegal detention case na isinampa ni Samson. Anila, malinaw na pinanghihimasukan ng estado ang mga usapin sa loob ng Iglesia, at dapat ipamukha sa estado ang limitasyon ng kapangyarihan nito.
Inuusig daw sila, kaya iginigiit nila ang pagbubukod ng iglesia at estado. Nguni't ang mga tagapamuno nga ng Iglesia ang unang-unang nanghihimasok sa pamahalaan kapag inilalako nila ang bloc vote ng mga miyembro tuwing eleksiyon, kapalit ng pagpupuwesto sa gobyerno ng mga pinapaboran nilang tao.
Pagdating ng Biyernes at Sabado, ikalawa at ikatlong gabi ng kanilang rally, naharangan na ng Iglesia ang ilang bahagi ng EDSA. Lumobo ang kanilang bilang habang mistulang maaamong tupa ang mga alkalde na pinahaba ang bisa ng kanilang permit, at todo-pigil ang mga puwersa ng pambansang pamahalaan.
Tumiklop ang mga may kapangyarihan sa kabila ng paninirang-puri, kawalan ng galang, at panawagan pa ng INC na sumama sa kanila ang mga pulis para umano’y humingi ng hustisya para sa mga miyembro ng Special Action Force na namatay sa Mamasapano. Umaalingawngaw sa sabang ng Shaw Boulevard at EDSA ang “Hostess siya!” Katawa-tawa at kagulat-gulat na pinangunahan pa ng mga lider ng Iglesia ang pang-aalipusta sa justice secretary.
Mamalikmata ka sa nagaganap.
Para Linggo, Agosto 30, inaasahan ng mga taga-Iglesia na umabot sila sa 500,000 para mapuno at maharangan ang EDSA. Pero kinapos sila – hindi man lang nasakop ng kapatirang nagsirating ang kalahati ng highway na dati nang dinagsaan ng isa hanggang dalawang milyon noong People Power Revolution ng 1986.
Malinaw sa liit ng bilang ng nagsirating sa EDSA, may pagtatalo na sa loob ng dati’y buo at matibay na Iglesia. Walang ibang dahilan kung bakit manipis ang mga tao sa rally: may mga nawalan na ng gana, o kaya’y tumututol, sa loob ng Iglesia. Hindi ba ito isinulong ng mga lokal na ministro? Nanlalamig lang talaga ang mga miyembro?
Imposibleng hindi nakita ng mga politiko at kandidato ang magiging epekto sa 2016 ng mga maling hakbang ng liderato ng INC, pati ang tangka nilang manipulahin ang mga tao. Nililinaw namin: ang liderato ang nagkamali, hindi ang mismong Iglesia, dahil sila'y magkaiba.
Para sa mga tatakbo sa 2016, ito ang mga mensahe ng mga pangyayari:
- Hindi iisa ang isip ng mga miyembro ng malaking Iglesiang ito.
- Alamat na lang ang tinatawag na bloc vote ng INC sa 2016.
- Nawalan ng simpatya ang publiko sa mga pinuno ng Iglesia at sa kanilang ipinaglalaban – dahil nagsinungaling sila. Malinaw na hindi kalayaan ng relihiyon o hustisya ang hinahabol nila.
- Humina ang simpatya ang mga taga-media sa liderato ng Iglesia, dahil hinayaan nilang saktan at takutin ng mga miyembro nila ang mga mamamahayag.
- Hindi makabubuti ang hayagang ugnayan sa mga lider ng Iglesia dahil bumagsak na ang kanilang kredibilidad.
Maaaring makabangon pa ang INC mula sa krisis na ito, o tuluyan itong mawasak. Nakasalalay ang lahat sa magiging tugon ng kanilang mga mananampalataya.
Sa panahon ng social media, nakita na siguro ng 101-taong Iglesia na hindi na mapagtatakpan ang madidilim na lihim. Katibayan nito marahil ang patuloy na pagsusulat ni “Antonio Ebanghelista” – ang tagaloob na nagsiwalat ng mga anomalya sa INC – at ng marami pang Iglesia bloggers at mga gumagamit ng Facebook na hindi na tatahimik lamang. – Rappler.com