Tutal, Agosto pa naman, meaning Buwan ng Wika pa rin, at nagkataong National Heroes’ Day kaya may long weekend celebration, kaya magandang pagkakataong pag-isipan at pagnilayan ang salitang “bayani” at mga kaugnay na salita nitong nakaugat sa ating pagkatao.
Bayani, bayanihan, namayani, at siyempre ang salitang bayan. Mula sa salitang bayan, sa tulong ng napakaraming panlapi, kaya magkakaroon tayo ng mga salitang kababayan, sambayanan, pamayanan, kabayan, bayan-bayanan, kabayanan, makabayan, at marami pang iba. Puwera pa ang mga salitang laging kakabit ng salitang “bayan”: inang-bayan, kalapit-bayan, at ang ginasgas na ng mga trapong diumano’y “para sa bayan.”
May mga pag-aaral na nagsasabing mula sa salitang “bahayan” o settlement ang salitang “bayan.” Mayroon din namang bersiyon na mas payak at mas katutubo raw ang pinagmulan ng popular na salita: “ba-i,” “baia,” o “bay.”
Araw-araw nating naririnig o nababasa ang salitang bayan. Bagamat iba-iba ang binubuong compound word gaya nga ng “inang-bayan” at “lingkod-bayan.” Madalas napagkakamalan nating pambansang awit ang “Bayang magiliw” imbes na “Lupang Hinirang.”
Dahil polysemy o salitang maraming kahulugan, ginagamit din ang salitang “bayan” para ipantumbas sa salitang “madla” o “publiko.” Parang ganito: magdedesisyon na ang bayan ngayong darating na halalan.
Bayan ang sibilisasyon, bayan ang sentro ng pamayanan. Sa amin sa Lucban, malinaw kung sino ang taga-bayan at taga-linang o iyong mga nasa baryo, nasa labas ng bayan. Mayroong malalim na konteksto ito na maihahalintulad sa sinaunang pagtatangi sa taga-lungsod at taga-probinsiya. Moderno ang taga-bayan, atrasado ang nasa labas ng bayan.
Bagamat malinaw sa nakararami ang kahulugan ng iba pang kaugnay na salita ng bayan at bayani, hindi maikakailang naikahon ang kahulugang ito sa kawalang-damdamin ng salita. Wala na ang rubdob, wala na ang lalim lalo’t ang Araw ng mga Bayani ay na-relegate na lamang sa isang masayang long weekend.
Maraming kahulugan ang salitang “bayani” nang buklatin ko ang lubos na maaasahang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban. Akala ko, ang kahulugan lang ng salita ay isang indibidwal na nag-alay ng buhay para sa kapakanan ng bayan.
Sa paaralan, kikilalanin ang lubhang pamilyar na buhay ng isang karaniwang sikat na bayani. Ipapasaulo sa mag-aaral ang talambuhay, ang mga nagawa, ang mga pagbabagong sinimulan. Magiging paksa ng quiz bee.
Tapos na. Bayani. Nakadikit na sa dingding ng paaralan ang mga iginuhit na larawan, at iyong iba, nasa perang papel. May rebulto sa plasa. Inuulan, inaaraw, hindi ko alam kung kinikilala. Sila ang mga bayani, ang mga nagpakabayani. Hindi pala ganito kasimple.
Sa diksiyonaryo ni Panganiban, ang “bayani” ay ang mga sumusunod: bida, pangunang tauhan, baganihan, banuar sa Iluko, katulong, kausong, karamay, kasaknong. Kaya bukod sa mga kinikilala nating bayani o heroes sa Ingles, ang maging bida, pangunang tauhan, baganihan, banuar sa Iluko, katulong, kausong, karamay, kasaknong ay bayani na rin.
Mula rito kaya may salita tayong “bayanihan” o pagtutulungan ng sambayanan sa isang mabuting gawain nang walang hinihintay na kapalit. Popular na larawan ng bayanihan ang sama-samang pagbubuhat – pag-usong-usong sa Katimugang Luzon – ng bahay-kubo para mailipat ng lugar. Novelty. Pastoral. O pintang Fernando Amorsolo-esque. Magandang larawang pam-postcard. Teka, sino pa ba ang gumagamit ng postcard? O ilan pa sa mga millennial at Generation Z ang nakakaalala sa primitibong postcard na ipinapadala kung kanino sa pamamagitan sa isang uugod-ugod na ahensiya ng pamahalaan, ang Philpost?
Wala, hanggang larawan o pinta na lamang ang hitsura ng bayanihang ito. If at all.
Bagamat naniniwala akong marami pang porma at uri ng pagbabayanihan, ang tumatatak na lang sa isip ko ay ang bahay-kubong binubuhat. Ngayon marahil ipinapakita na lamang ng guro sa kaniyang mag-aaral sa elementarya ang larawang ito. Siguro may 3 minutong talakayan sa 10 buwan ng leksiyon.
Samantala, mula din sa salitang “bayani” ang “namayani” o nagtagumpay o triumphant sa Ingles. Ang namamayani lamang ay mabuting mithiin. Hindi namamayani ang kasamaan. Walang namamayaning masamang gawain.
Magandang gunitain ang isang araw ng pagkilala at pagdakila sa mga bayaning walang bantayog sa gitna ng bayan o plasa, walang larawan, walang talambuhay, wala sa mga aklat at hindi ginagawang paksa ng essay writing contest o, kasabay ng Buwan ng Wika, declamation piece ang tungkol sa kanilang buhay.
Mas marami ang mga bayaning ito. Kaya marapat lang na kilalanin sila, o alalahanin man lang, sa loob ng isang araw. Kaso nga, mas nagiging kapanapanabik ang National Heroes’ Day dahil walang pasok, long weekend, na kasabay marahil ng sale sa pinakamalapit na mall, ang masasabing pocket-bayan, ang makabagong bayan kung saan nagkakatipon ang sambayanan dahil lahat halos ng elemento ng bayan, maliban sa libingan, ay nasa loob na ng naglalakihang komersyalisadong gusaling ito. Sa araw na ito, may pagkakataong magliwaliw nang matagal-tagal ang bawat isa. Makapagpahinga kung talagang hindi kaya ng pera ang magbakasyon sa malalayong lugar o pumunta sa mall.
Sa lahat ng ito, sana man lang ay maalala ang mga nagpakabayani noon upang maisaayos at mapabuti at maging ligtas ang bansa natin. Alalahanin ang nagpapakabayani sa panahong ito para dulutan ka ng ginhawa at kaayusan sa buhay.
Halimbawa, mga doktor o nars na naglilingkod nang may kakarampot na suweldo sa mga pampublikong ospital sa probinsiya; mga inhinyerong nagkukumpuni o nagmimintini ng radar sa isla at dalampasigan ng Pasipiko upang maging mas accurate ang pagtaya sa panahon. O mga siyentistang mas piniling manatili rito kaysa sa hindi hamak na mas magandang kabuhayang naghihintay sa ibang bansa. Alalahanin natin ang mga gurong walang pangalan, tinatawid ang bundok at ilog para makarating sa kubakob o malalabay na punong nagsisilbing paaralan.
May ilang editor, peryodista’t reporter ang magtatawid mamaya ng totoong ulat at pahayag patungo sa atin, upang paglimihan natin; mga atleta ngayon ang nagsasanay upang ipaglaban ang bansa, sa isang, maaari, hindi world-class na lugar at pasilidad. Tiyak din, may mga bayani ngayong nasa likod ng camera upang lumikha ng makabuluhang palabas, hindi alintana ang delikadong gawaing maging tauhan ng media sa bansa.
Ngayong may pagkilala sa kolektibang bayani ng lipunan – National Heroes’ Day – at ngayong ginagamit natin ang wikang pambansa, marapat lamang na banggitin kahit man lang pahapyaw ang kontribusyon ng mga walang pangalang bayani.
Isang araw man lang sa isang taon, isipin natin ang mga walang pangalang hindi inisip ang kanilang mga sarili makapaglingkod lang, madalas ay kapalit ang kanilang buhay, para sa bayan. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas.