Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Tantanan ang kabataan

$
0
0

Panukala ni Senador Bato Dela Rosa, magpatrolya ang mga pulis at militar sa Polytechnic University of the Philippines upang matiktikan kung sinong mga titser ang dahilan ng radikalisasyon ng mga kabataan.

Mr Senator, ang mga katulad mo, at mga katulad ni Jovito Palparan, ang dahilan ng radikalisasyon, sa totoo lang.

Bilang tugon dito, nag-walkout ang mga estudyante, kakapit-bisig ang mga guro, sa buong UP system upang tutulan ang militarisasyon.

Sagot ni AFP Spokesperson Edgard Arevalo, “Anong militarisasyon?”

General, pay attention please?

Militarisasyon ang mararamdaman ng isang mag-aaral na nais magtanong at magsiyasat ng mga ideya – nguni’t tatahimik na lang dahil baka mapagkamalang subersibo ng mga pulis o sundalo sa pasilyo. Miilitarisasyon ang mangamba ang isang guro sa kanyang ituturo.

Militarisasyon ang pagpasok sa mga paaralan ng mga unipormadong puwersa. Direktang panghihimasok ito sa buhay ng paaralan. Militarisasyon ang kulturang maitatanim sa mga pulis at militar na katunggali nila ang mga estudyante at guro.

Gusto rin ni Bato na ibalik ang ROTC– ang programang naging instrumento ng pambu-bully at pagpatay sa mga tulad ni Mark Welson Chua. Ang programang kaduda-duda ang silbi sa bansa at mag-aaral ay magkakahalaga ng P38 bilyon kada taon, halos singlaki ng gastos sa free tuition fee law.

Gusto ni Interior Secretary Eduardo Año na buhayin ang Anti-Subversion Law na 3 dekada nang namamayapa sa sementeryo ng mga walang-kuwentang batas. Sa ilalim nito, iligal ang maging myembro ng Communist Party of the Philippines.

Bravo, sir, sige, gawin mong bawal ang naghihingalong organisasyon na 'yan at lalo ‘yang mabubuhayan. At ang easy target d'yan ay ang mga mag-aaral na nakikisimpatya sa progresibong kaisipan, ang mga nasa people's organizations, at hindi ang mga nagtatago sa bundok.

Bakit daw kailangan nilang pumasok sa mga campus gayong ilang siglo at dekada nang umiikot ang gulong ng mga paaralan sa patnubay ng mga akademiko?

Dapat igalang ang mga kasunduuang nilagdaan ng mga nakaraang administrasyon na nagbabawal sa militarisasyon: ang Soto-Enrile accord ng 1982 at Ramos-Abueva accord ng 1989 para sa Unibersidad ng Pilipinas, at ang Ramos-Prudente Accord para sa PUP.

Marami pang problema ang bayan na kailangang pagtuunan ng pansin – hindi ang mga multo sa utak ni Bato, Año, at PNP Chief Oscar Albayalde.

Andyan ang tunay na problema sa droga: ang smuggling sa Customs na nagpapasok ng tone-toneladang droga; ang pagmanman sa mga baybayin na nagigiging entry point ng bloke-blokeng cocaine; ang paghabol sa mga ulo ng sindikato ng droga at hindi mga pipitsuging durugista, courier, at fall guy lamang.

Andyan din ang sangkatutak na kaso ng mga pulitikong pinatay noong eleksyon.

Asikasuhin nila ang sariling mga bakuran: andyan ang mismanagement ng Bureau of Corrections na muntik nang magpalaya sa isang triple murderer at rapist na si Antonio Sanchez. Asikasuhin ang paghahatid sa hustisya ng mga pulis na nang-EJK, nangikil, nang-manyak sa ngalan ng Tokhang. Imbestigahan ang sangdamakmak na “homicide cases under investigation" o HCUI na karamihan ay EJK din. Ibalik ang paggalang sa buhay ng tao sa utak ng mga pulis.

Sa militar, imbes na nag-aabugado ang inyong Commander in Chief sa mga Intsik, asikasuhin n’yo muna ang pagpapatrolya ng karagatan upang hindi na maulit ang nangyari sa Gem-Ver. Pag-ibayuhin niyo ang pag-eensayo at paga-upgrade ng mga kagamitang pang-gyera. Tuldukan niyo na ang Abu Sayyaf at ISIS sa Mindanao.

Maraming lehitimong problema, mga ginoo.

Ang magsasagip sa bayan ay hindi ang mga utak pulburang mga Año, Bato, at Albayalde. 

Ang magsasagip sa bayan sa kahunghangan ng mga nasa poder ngayon ay nag-aaral sa mga pamantasang nais niyong imilitarize, tamnan ng takot at agam-agam, at kitilan ng malayang pagtatanong at pamamahayag.

Pulis at militar sa eskwelahan, ROTC, sunod-sunod na patayan sa balwarte ng Kaliwa sa Negros, pagsasa-iligal ng CPP, Tokhang.

Kumikitid na kalayaan. Militarisasyon sa campus. Indoctrination. Extrajudicial killings. 

Lagnat ito na magiging trangkaso ng diktadura.

Ngayong Araw ng mga Bayani, gawing maliit na kabayanihan ang active participation. Sabi nga ng 16-taong-gulang na climate change activist na si Greta Thunberg, "Huwag lang umasa, kumilos." – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>