Kasama sa katangian ng kahit anong wika ang magtaglay ng konotasyon, o iba pang kahulugang hindi literal, ang isang mistulang pangkaraniwang salita. Napakadali sa ating gumawa o magbigay ng iba pang kahulugan. Idagdag pa na mahilig din tayo sa pahiwatig. Imbes na sabihin nang diretso, nais ipahayag ng marami sa atin ang mensahe sa pamamagitan ng talinghaga. O kaya ay idinaraan sa biro. O hindi kaya ay kinakabitan ng pantig para magkaroon ng ibang ibig sabihin.
Ibigay nating halimbawa ang salitang "loob." Maraming inihanay na popular na kahulugan ang Hesuwitang si Paring si Bert Alejo hinggil sa salitang polysemic na "loob."
Sa kaniyang luma ngunit patuloy pa ring makabuluhang aklat na Tao Po! Tuloy! Isang Landas ng Pag-unawa sa Loob ng Tao, na inilathala ng Ateneo de Manila University Office of Research and Publications, tinalakay ng kababayan kong pari mula sa Obando, Bulacan, ang iba’t ibang kahulugan ng salitang "loob," lalo’t may taglay itong panlapi o kung kasama ng ibang salita at kataga.
Tinalakay niya ang napakasimpleng salitang "loob" bilang pinanggagalingan ng maraming pagkakakilanlan ng tao. Nakaugat ang "loob" sa ating kultura at kasaysayan, sa ating pinakamalalim na pag-unawa sa buhay. Ang salitang "loob" ang nasa mga salitang "saloobin," "niloloob," "nilooban," "looban," at marami – mahigit sandaan! – pang mga salita.
Halimbawa, mas malalim ang salitang "kaloob." Sinasabi ng salita na galing ito sa loob o kalooban ng tao. Pagpapaubaya. Pagbibigay ng mahalaga, iyong nasa kaloob-looban ng pagkatao. Hindi gaya ng nakasanayan natin kapag panahon ng kapaskuhan, halimbawa, na ang pagbibigay ng regalo ay parang obligasyon, lalo kapag exchange gift giving. Isinasagawa ito nang may presyo, P500 pataas ang halaga, halimbawa. Magbigay ka at ikaw ay bibigyan. Obligado. Madali. Magbigay. Pero hindi ipinagkaloob.
Ang pagkakaloob ay walang hinihintay na kapalit. Ang kaloob ay pagbibigay ng bahagi ng sarili. O mismong sarili nang walang puwersahan. Walang presyo.
Ganito rin ang salitang "nilooban." Hindi lang ito basta pinagnakawan. Nilooban ka ng maaaring kakilala o pinagkatiwalaan mo. Kung kaya sa usapin ng hindi masugpong korupsiyon sa bansa, patuloy tayong nilolooban ng mga taong pinagkakatiwalaan nating maglingkod at pahalagahan ang ating yaman. Yaman, or what remains thereof.
Pinakikinggan nating mabuti ang saloobin ng isang tao. Lalo iyong hindi madalas nagpapahayag ng kaniyang saloobin. Higit sa kaniyang iniisip, mas malalim ang pag-unawa natin sa saloobin o niloloob.
Sayang at hindi nabasa ng marami ang isang napakagandang aklat na inilathala noon pang dekada '90. Hindi nagmamaliw ang bisa ng aklat na ito sa akin. Sa malaking bahagi ng aklat, tinalakay ni Paring Bert (ang gusto niyang itawag sa kaniya bilang palayaw, hindi Father Bert gaya ng pangkaraniwang pari), ang maraming salitang nag-uugat sa salitang "loob." Kaya bahagi ng pamagat ang "pag-unawa sa loob ng tao."
Ngayon, at napapanahon, kung bakit ko binabanggit ito ay dahil sa isa pang konotasyon o ang matalinghagang kahulugan ng "loob" ay ang paggamit natin ng salitang "ob-lo" o binaligtad na loob.
Sa maraming nakakaunawa ng salitang "ob-lo," lalo iyong nasundan ang pagpapauso ng binaligtad na salita – yorme, etneb, erbi, jeproks, ermat, erpat – ang tinutukoy dito ay ang loob ng bilangguan o kulungan. Ob-lo o loob ng kulungan. Galing sa ob-lo kapag lumaya na.
Napapanahon ang usapin ng ob-lo lalo’t naghihintay tayong bumalik o pabalikin ang mga pinalayang bilanggo sa Muntinlupa o, sabi nga ng mga may alam sa kultura ng kriminalidad, sa Munti. Bilanggo ang nasa loob o ob-lo ng Munti. Samantala, malayang mamamayan naman ang nakatira sa Muntinlupa. Again, iba ang konotasyon ng Muntinlupa sa Munti. Munti has a negative connotation and can be considered as a pejorative term.
May negatibong konotasyon dahil sa pag-unawa na ang nakukulong sa ob-lo ay mga kriminal, may mabibigat na kasalanan. Kaya naman nagiging tatak sa pagkatao ang sinumang galing na sa ob-lo ng Munti. Kaya kapag sinabi ng isang bagong kakilala na siya ay taga-Muntinlupa, homorously, idurugtong, sa labas ng Muntinlupa nakatira dahil ang loob ay ang ob-lo ng kulungan.
Napag-uusapan na rin lang ang mga salitang may negatibong konotasyon kaya ang pamagat ng espasyo kong ito ngayon ay "nagkaisa, pinagkaisahan, naisahan." Malinaw naman sa atin na nasa ubod ng mga salitang ito ang "isa" – "one" sa Ingles. Kung paanong nagbago ang kahulugan buhat sa isang neutral na salita tungong negatibong konotasyon ay isang hiwaga ng sociolinguistics na patuloy na tinatalastas ng mga paham at pantas ng pamantasan – yes, ang salitang-ugat ng pamantasan o university ay "pantas." You’re welcome.
Nagkaisa. Naging isa ang marami. Nagkasundo. Nag-unite. Walang pagkakawatak-watak ang nagkakaisa. Positibo ito. Nagkaisa tungo sa isang makabuluhang layunin. Samantala, iba naman ang "pinagkaisahan." May bahid na ng negatibong konotasyon ang pinagkaisahan. Halimbawa, pinagkaisahang hindi dumalo sa isang pagpupulong, o pinagkaisahang saktan ang isang walang kalaban-laban. Collective action, gaya ng unity, ang pinagkaisahan, pero, generally speaking, nakatuon ito sa aksiyong isinagawa at hindi sa akto ng pagkakaisa.
Samantala, lalong iba ang "naisahan." Kahit sinong pamilyar sa salita, sasabihin sa iyo na ang ibig sabihin niyan ay iyong nakalamang. Nakalamang o nanlamang o nanamantala sa kapwa. Ang sinumang naisahan nang higit sa minsan ay nalamangan na.
Madali nating makilala ang mga ganitong tao. Inasahan ka nang hindi mo inaasahan. Sa totoo lang, naiisahan tayo kapag naman talaga hindi natin inaasahan.
Bakit nangyayari ang pang-iisa? Kapag may isang gustong manamantala sa tiwala ng kapwa. Puwedeng nakapang-isa ang nangutang kapag hindi nagbayad o walang intensiyong magbayad simula pa lang. Pero kapag naisahan ka, nagtatanda ka, para hindi na makaulit. Hanggang isa lang. Kaya naisahan.
Pero gayong may salitang inisahan, bakit walang dinalawahan o tinatluhan? Dahil ang taong laging nang-iisa sa kapwa ay hindi na makakaisa pa. Hindi na nakaisa iyon; nananamantala na.
Marami ito. Halimbawa, hindi na tayo iniisahan ng mga corrupt na pulitiko. Dahil paulit-ulit na, kawatan na sila. Pero wala tayong kadala-dala. Sanay na tayong maisahan, kaya ang tawag na sa atin ay pinagsasamantalahan. Masama ito. Pero ang higit na masama yata ay ang hindi mahiwatigang pananamantala na sa atin ng ating mga pinuno natin. At hindi na kailangan ng pantas sa mga pamantasan para malaman ito. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas.