Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Sa mga mata ng anak ng isang magsasaka

$
0
0

Panahon na naman ng pag-aani. Natapos na ang 3, 4 na buwan ng paghihintay para sa mga gintong butil ng palay na magiging pagkain para sa madla at kita sana ng mga magsasaka. Natapos na ang sandamakmak na gastos sa binhi, sa pataba, sa patubig, at sa mga taong kumilos sa bukid. Ngayon naman ay oras na ng pagtutuos – pagtutuos ng kikitain, pagtutuos sa mga utang na babayaran, pagtutuos sa kung magkano pa ang matitira, at pagtutuos ng halagang itatabi muli para sa susunod na panahon ng pagsasaka.

Dati ay may hatid na saya ang ganitong panahon, pero tila nag-iba na ang ihip ng hangin para sa mga magsasaka at sa kanilang mga pamilya. Dati rati, malinaw pa sa aking alaala, pinakahihintay ng mga magsasaka ang panahong ito. Bakit? Dahil dati, may kaakibat na saya ang panahong ito. Sa panahon kasing ito, nakabibili kami ng mga bagong kagamitan sa bahay, nakapamamasyal sa siyudad, nakapanonood ng sine, at kung ano-ano pang hindi namin nagagawa sa mga panahong nasa puno pa ang mga uhay ng palay. Ngunit ngayon, nag-iba na ang lahat. Ano'ng nangyari? (READ: What if our farmers give up on us?)

Naalala ko pa, sa ganitong anihan, ang mga tao ay nagkakandaugaga na sa pamamalengke. Sigurado na kasi sila na may maipambabayad sa mga utang. Puno ang mga pamilihan, maraming mga sasakyan sa bayan. Ngayon, halos walang tao. Maluwag ang palengke. Nagkausap pa kami ng lola ko nung minsang nasabi ko na halos walang namimili sa bayan. Hindi man lahad ay narinig ko ang daing at sakit sa sagot niya: “Walang maipambili ang mga tao. Ang mura kasi ng palay, halos wala nang natitira kapag naibenta nila 'yung ani nila.” (READ: [OPINION] Cynthia Villar: Champion of the 'personal interest first' policy

Natigilan ako. Napipi. Magsasaka? Anihan? Palay? Walang pera? Parang mali yata. Hindi ko alam kung ano ang una kong mararamdaman: lungkot ba dahil alam kong parehas kami ng dadanasin kapag lumipas na ang panahon ng anihan at kami naman ang nagbenta ng palay, o kung galit ba dahil parang pinaglalaruan kaming mga nasa sektor ng agrikultura na isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan sa bansa? Hanggang sa naramdaman ko ang pagkadismaya, ang pagkalugmok. Nakalulungkot, pero tunay ngang naghihingalo na ang sektor ng agrikultura, kasama ang mga magsasaka na dito ay umaasa. 

Sa mga nakaraang taon, mapalad na kaming mga nagsasaka kung maibenta ang mga palay sa halagang 18 piso kada kilo ng tuyong ani. Pero ngayon, 8? 9? 10?12 pesos? Saan kami pupulutin niyan? Habang kami ay nagluluksa dahil sa sobrang mura na presyo ng palay ay makaririnig ka pa ng mga salitang, “Sapat na yung 5 piso na tubo nila kada kilo ng palay.” Hirap ka na nga sa pagsasaka, hanggang sa panahon ng pagbebenta ay hirap ka pa rin dahil sa baba ng presyo ng palay.

At dahil dito, pagkalugi ang kinakaharap ng karamihan ngayon. Parang isang malaking biro ng tadhana at ng gobyerno na ang mga taong nagbibigay ng maihahain ng masa sa hapag nila ay silang walang maihain dahil sa pagkalugi. (READ: [ANALYSIS] Plummeting rice prices: How will our rice farmers cope?)

Sabi pa, kaya daw kami mahihirap ay dahil hindi kami marunong magnegosyo. Kung wala kang karanasan sa pagsasaka at wala kang nararamdamang krisis ngayon sa agrikultura, wala kang karapatang magbitiw ng mga pahayag na lalo lang magpapalugmok sa mga magsasaka. Kung hindi ninyo alam ang hirap na dinaranas namin sa tuwing may bagyo, sa tuwing may unos na tatama sa mga palayan, wala kang karapatang maliitin ang mga naghihirap na magsasaka. Pagod, pawis, at buhay ang naging puhunan namin sa pagtatanim ng palay – sana doon pa lang ay marunong na kayong makiramdam. (READ: What you can do to help Filipino rice farmers)

Habang tinatapos ang piyesang ito ay parang dinudurog din ako. Dahil damang-dama ko ang sakit, ang hirap, ang hinagpis ng mga magsasaka na dumaranas ngayon ng krisis. Damang-dama ko ang pighati ng mga magsasaka na sa agrikultura na namulat at sa agrikultura pa rin umaaasa para sa ikabubuhay nila. Kaya bago ka sana magsulat, magsalita, o gumawa ng hakbang na hindi naman talaga ikauunlad ng mga magsasaka, hinahamon kita na damhin ang aming damdamin at masdang mabuti ang aming kalagayan, na wari bang ikaw ay tumitingin mula sa mga mata ng anak ng isang magsasaka. – Rappler.com

Raymark Paul Trojillo Rigor, 22, is from Tarlac. He finished his bachelor's degree in biology at the Central Luzon State University in Nueva Ecija. He is a youth leader, advocating for the attainment of Sustainable Development Goals, environmental and wildlife conservation, youth empowerment, and community building.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>