Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Hindi mo kailangang maniwala sa paramdam

$
0
0

 Hindi ako fan ng horror movies. Hindi rin ako mahilig sa staple TV shows na katatakutan tuwing sasapit ang Undas. Hindi bumebenta sa akin ang mga episode na nananawagan daw ng multo sa isang minumulto’t puno ng misteryong lugar na nilipad ng TV crew at ipinaliliwanag sa lente ng sosyolohiya, relihiyon, kulturang popular, paranormal, at kuwentong third-eye ang mga kung ano-anong kakaibang paramdam at nakikitang multo. Diumano.  

Marami-rami na rin akong narinig na katatakutan buhat kung kanikaninong mahilig magkuwento: kaibigan, kabayan, barbero, kutsero. Pero lahat ay dumaraan lang sa akin. Balewala. Kibit-balikat. Lipat sa ibang paksa. Next.

Bata pa lang ako nang maulilang lubos sa magulang. Marami-rami na ring kamag-anak, kakilala’t kaibigan ang sumakabilang-buhay. Pero walang nagpaparamdam. Minsan nga, noong nasa kolehiyo ako, in a fit of despair, hinintay kong magparamdam sa akin ang aking nanay. Gusto ko sanang magreklamo kung bakit naiwan na lang akong walang maiyakang magulang tuwing bibigat ang mga suliranin ng buhay, sabay daloy ng masaganang luha sa aking pisngi. Pero wala. Ni amoy ng kandila, hudyat daw na may gagala-galang kaluluwa, wala. Kaya hindi ako naniniwalang nagbabalik ang mga yumaong kakilala. Emphasis on kakilala.

Walang nagpaparamdam na kakilala. Ang marami ay hindi ko kakilala. At hindi ko ito matawag na paramdam. Ayokong tawaging multo o espiritung gala. At di ba nga, hindi ako naniniwala?  

Pero nariyan lang sila, kasama ko sa ilang pagkakataon. Hindi ko malalamang multo o espiritu o malikmata (iyong parang niloloko ka ng iyong paningin, sa isang kurap nariyan, pero isa pa uling kurap, wala na – malikmata) kung hindi rin lang sasabihin sa aking wala sila noong una. O wala sila sa simula pa lang at ako lang ang nakakita, nakangitian, nakatanguan, sinundan. Karaniwan lang ang lahat sa akin hanggang tawagin ng ibang baka nga multo ang nakasalamuha ko. 

Maraming pagkakataong nangyari sa akin ito. Malinaw sa akin ang 4 na beses. Fairly recent. Mistulang pare-parehong pangyayari. Bago lang akong nagtuturo noong 2008 sa dalawang unibersidad. Ang dalawang pangyayari ay mga unang linggo ng klase, magkasunod na semestre. Hindi ko sila pansing masyado. Akala ko nga estudyante ko sa pinagtuturuang antigong unibersidad. 

Nakaupo sila sa bandang likod. Naging pamilyar na ang mukha. Ilang araw din silang pumapasok nang tuloy-tuloy. Tumatawa, tumatango. Nagtataas yata ng kamay pero hindi ko natatawag. Tapos tumigil nang pumasok makalipas siguro ang dalawang linggo. Nag-check ako ng attendance. Ipinagtanong ko sa madalas nilang katabi. Baka nag-drop. O lumipat. Nasaan, ka ko, iyong katabi ninyo last week? Tinanong ko kung irreg student ba, ka ko, yun. 

Ganito halos ang isinagot ng tinanong kong estudyante: “Sir? Two weeks na po akong walang katabi dito. Hala, sino po nakikita nyo?” 

Tatahimik ako habang maglolokohan ang klase. Si sir daw, nananakot. Ngingiti lang ako. Kakambiyo. Sasabihin kong joke lang. Binibiro ko lang sila. Pero hindi. Naaalala ko pa ang mukha, lalo ang ngiti. Ang pagtango-tango sa lecture ko, tanda na, akala ko, naiintindihan niya ang lesson ko.

Ganito rin nang minsang magkaroon kami ng mini-reunion ng mga kaklase ko sa high school sa Obando. Ang tagal ng kuwentuhan namin, halos buong hapon hanggang gabi. Naparami ang beer namin. Tapos nagkape kami. Saka lang ako naglakas-loob magtanong sa isa kung saan nagpunta ang kaniyang kasamang katabi at katawanan namin mula pa simula. Kung bakit hindi sumamang magkape.

“Kasama? Uy, nag-iisa akong pumunta dito. Sino nakita mo?”

Idinaan ko na lang din sa biro. Namalikmata lang, ka ko, ako. Habang malinaw na malinaw na nakikiinom din ng beer ang nakita ko. 

Iyong huli, nito lang Agosto 2018. Nanood kami ng mga kaibigan ko ng concert ng isang sikat na choir pansimbahan sa isang malaking unibersidad sa Kalakhang Maynila. Bagyo noon. Sobrang lakas ng ulan. Stranded na ang karamihan. Pero tuloy ang konsiyerto. 

Nang matapos bandang alas-onse ng gabi, sa lakas nga ng ulan, nagpasundo kami sa inarkila naming van sa chapel na ginawang concert hall. Takbo kami papasok sa van. Walang laban ang naglalakihan naming payong. Lahat kami, humuhulas. Nakisakay din ang ilang kinatagpo sa konsiyerto. Magpapababa na lang daw sa isang kanto para hindi maglakad palabas sa malaki-laking campus.

Bumaba sila bago mag-flyover sa Katipunan patungong C-5. Nagpaalaman. Thank you daw. Nang makababa na ang dapat bumaba, itinanong ko sa isang kasama kung saan naman bababa ang isa pang nakisakay. Babae. Nakakamisetang puti. Mahaba ang buhok na parang teenager.  

“Sir, wala na pong ibang sumakay. Dalawa lang po ang nakisakay.”

“Hindi ba tatlo? Akala ko tatlo. May sumakay pang babae, di ba?”

Dahil alam ko, tatlo talaga ang nakisakay. Pero hindi ko binigyang pagkakataong matakot ang mga kasama ko. Dahil, sa totoo lang, hindi naman talaga nakakatakot makakita. Kung hindi mo alam na multo pala sila sa simula pa lang. Sasabihin ko na lang sa sarili, heto na naman sila, nagpaparamdam. 

Pero ang pinakamalinaw sa akin ay nangyari noong Abril 2000 sa isang bayan sa lalawigan ng Quezon; noong halos P6,000 pa ang halaga ng Nokia 5110 at mahigpit pang ipinagbabawal ng soon-to-be-biyenan ko ang makita o maamoy kahit ang kapirasong pileges ng anino ko sa Lucban.  

Dalawang taon pa noon bago ako makatapos ng pag-aaral, 3 taon pa bago ko matuklasan na “graduate” na ako sa kolehiyo. Apat na taon pa bago kami makasal sa Lucban ng kasintahan ko noon.

Katulad ng kahit sino yatang may lihim na relasyon, pinilit kong magawi sa Lucban upang kahit papaano ay masilayan man lang ang bubong ng bahay ng sinisinta. Kung susuwertehin, masilayan mismo ang jowa. Taktikang gerilya. Silip-silip, patagong pagtatagpo. 

Nagkataong may isang kabarangay at kaibigan ako sa amin sa Valenzuela na maraming kamag-anak sa Sampaloc, Quezon, a town just a sneezing distance away from Lucban. Kaya nang ayain akong mamiyesta nang 3 araw ng Abril na iyon, mabilis pa sa Breaking News ng mga Barretto akong pumayag. 

Tatlong araw na gala. Tatlong araw na inom na gustong-gusto’t kayang-kaya pa ng batang-batang katawang-lupa ko noon. Pero ang higit na mahalaga, 3 araw ng gerilya date sa aking jowa. 

Dahil tungkol sa multo ang isasalaysay ko kaya hindi ko na dedetalyehin ang romance aspect ng lakarang nangyari. Ikalawang araw ko sa Sampaloc nang puntahan ko ang Lucban. Maghapon ako doon. Lakad-lakad, tumanga-tanga. Hinintay ko ang noon break at uwian ni Angela sa school. Nagkita kami sa isang pansitan, at doon, sa pagitan ng nguya ng pansit at longganisa, nangako kami ng forever. Tumagal nang alas-7 ng gabi ang pangako ng forever. Just in time para sakyan ko ang last trip ng maskuladong dyipni patungo sa bayan ng Sampaloc. Sa tabi ako ng tsuper naupo.

Binaybay namin ang sakahan/kagubatan/daan patungong Sampaloc. Walang ilaw sa gilid ng lubak-lubak pa noong daan dahil, ayon sa tsuper, brownout. Hindi kinaya ang malaking pangangailangan ng bayan sa kuryente dahil bisperas ng piyesta. Ang plasa lamang ng bayan ang may ilaw sa tulong ng generator para matuloy ang pambayang beaucon ng Sampaloc noon. 

Dahil nga madilim, nawala ang oryentasyon ko sa lugar. Wala pa akong cellphone noon at tanging ang aandap-andap na ilaw ng digital watch ko ang magsisilbi kong headlight para makababa sa bukid at gubat para mahanap ang kubong tinutuluyan ko. Pero ang pinakamalaking problema talaga ay ang matukoy kung saan ako bababa.  

Isa lang ang palatandaan ko. Isang konkretong estrukturang parang barangay outpost. Kapag nakita ko iyon, ang ibig sabihin, lagpas na ako. At nakita ko nga ang outpost nang mailawan ng dyipni. Lagpas na nga ako nang mga 20 o 30 metro sa dapat kong babaang landas. 

Pitch black ang paligid pag-alis ng sinakyan kong dyipni. Bulag na bulag ako. Sumingasing ang konsiyerto ng isang kawan ng mga asong sumalubong sa akin. Namaalam ako sa mundo kung sakaling magpipiyesta ang mga aso kalalapa sa aking sariwang katawan. Ang bilis ng forever. 

Naramdaman ko ang lamig ng nguso ng aso sa binti ko (naka-shorts ako, standard summer turista get-up). Hindi ko alam kung umepekto ang mantra naming mga taga-Coloong, Valenzuela, na panlaban sa lapa ng aso: “Mano po, San Roque, aso ’nyo’y itabi.” Si San Roque ang santong may kasakasamang aso na may kapilya malapit sa amin. 

Taimtim, paulit-ulit: “Mano po, San Roque, aso ’nyo’y itabi. Mano po, San Roque, aso ’nyo’y itabi.” Habang ino-orient ko ang sarili kung saan ang lagusan/landas pababa sa bukid ng pinamimiyestahan ko. “Mano po San Roque, aso ’nyo’y itabi.” 

Sa dilim, nakita kong may tumawid na matanda sa daan. Nakaputing kamiseta. Hukot. Tumigil bigla ang konsiyerto ng mga aso. Pero ramdam ko pa rin ang malamig na dampi ng kanilang nguso sa aking binti.

Sinundan ko ang inaakala kong lolo ng pinamimiyestahan ko. Sinundan ko sa pagbaba sa isang landas. And, true enough, naroon ang lusungan. Inch by enormous inch, paupo akong bumaba, dahan-dahan, iniilawan lamang ang mamasa-masang damo at lupa ng liwanag ng digital watch.

Paupo akong bumaba para hindi matumba, hindi na alintana ang putik, habang hinahabol ng tingin sa dilim ang lolo na malapit nang makarating sa kubong tutuluyan ko. Mga 10 hanggang 15 minutos ang nangyaring paupong paggapang. Nang malapit na ako, bigla kong narinig na sumigaw ang isang tao, tiyuhin ng kaibigan ko. Sino daw akong kumakaluskos? 

“Jowie, ikaw ba yan?” Naglandas sa dilim ang flashlight. Sinalubong ako ng tito, ibinalitang wala pa ang kaibigan ko at ang kaniyang mga pinsan dahil nanonood ng beaucon sa plasa ng bayan. Ayos lang. Sulit naman ang renewal ng sumpaan ng aking kasintahan. At saka hindi ako naligaw, hindi nilapa ng mga asong bukid.  

Sabi pa ng tiyuhin ng kaibigan ko: “Buti, nalaman mo ang pagpunta uli rito, brownout pa naman. Yanong dilim.” 

Na sinagot ko ng: “Sinundan ko si lolo.” Iyong pagkasabi ko ng “lolo” bigla akong nilapitan ng tiyuhin. Hinatak ako sa isang sulok malapit sa kubo. Halos mabitawan niya ang may sindi pang flashlight. 

“Sinong lolo?” 

“Eh di si lolo, yung pumasok dito,” sabay turo ko sa kubo kung saan pumasok ang payat na matanda, hukot, nakapantalong madilim ang kulay, nakaputing kamiseta o camisa chino yata. 

“Walang lolo,” madiin pero pabulong, “Kanina pang alas-5 tulog si lolo, lasing.” Dahil nga piyestahan, maagang nalaban ng inuman.

“Eh, sino pa bang lolo ang susundan ko?”

Nakatulog ako nang mahimbing nang gabing iyon. Bago matulog, pinilit kong ubusin sa 4 na lagukan ang kalahating tabong lambanog na natira ng tunay na lolong tulog na pala nang dumating ako. Dahil alam kong walang multo-multong makakagambala at makakapanakot sa isang taong mahimbing ang tulog. – Rappler.com 

 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, research fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Siya ang coordinator ng AB Creative Writing Program ng Unibersidad ng Santo Tomas. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>