Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Ang patibong para kay Leni

$
0
0

"Trap." Lahat halos nagkakaisa na maburak pa sa Ilog Pasig ang motibo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatalaga kay Bise Presidente Leni Robredo na co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

“Paano kung sineset-up ka? Paano kung pag-upo mo diyan, 'di ka na mapapakinggan? Papaano kung pag-upo mo diyan, wala ka naman talagang kapangyarihan?” ‘Yan mismo ang tanong ng kanyang spokesman na si Barry.

Sabi ni Gutierrez, “Sa dulo, ang tingin ko pinanghawakan ni VP talaga was her moral clarity. Malinaw sa kanya ito ang tamang bagay na gawin.”

Namamangha kami sa tinatawag ng marami na “gamble” o “gambit.” Pero hindi ito simpleng pagtambay sa casino o malumanay na chess game. Dahil, kung baga boksing, “the odds are stacked” laban sa kanya. Dehadong-dehado. At ang talo dito, hahalik sa sahig dahil bugbog-sarado.

Messianic ba ang hakbang na ito? Tumalon pero nag-iilusyon? Niromansa ba ni Leni ang ideya na sasagipin niya ang maraming buhay?

Sa kabilang banda, kung hindi niya tatanggapin ang alok, lagi na lamang itong isusumbat sa kanya: na nung may malinaw na offer sa lamesa, naduwag siya. Puro kuda, wala rin palang magawa.

Sige, ipagpalagay na nating hindi aayuda sa mga problema niya ang Malacañang. Wala naman talaga siyang aasahan doon.

Ipagpalagay na rin nating ubod siya nang bilis matuto at kaya niyang magsunog ng kilay magdamag upang pag-aralan ang masalimuot na sistema ng kapulisan sa Pilipinas – bagay na wala siyang karanasan sa buong buhay niya. Ito’y habang hindi niya binibitiwan ang programa niya para sa mahihirap.

May indikasyon bang pakikinggan ng pulisya ang maamo niyang tinig at hindi dededmahin ang kanyang liderato?

May magsasabi ba kay Bise Leni na may lakad ang mga boys at mangha-hunting ng durugista? O tape na lang ng SOCO ang aabutan niya at dugo na lang sa aspalto ang matitirang bakas ng extrajudicial killing? (Ay mali, "nanlaban" pala ang tawag doon.)

Bigyan daw ng latitude o espasyo ang Pangalawang Pangulo sa kanyang bagong tungkulin – sabi ng tagapagsalita ni Duterte na si Salvador Panelo. Huwag daw siya intrigahin laban sa kanyang mga katrabaho… blah, blah, blah. Nilalatag na ba niya ang entablado ng susunod na kabanata: na nagpadala sa intriga si Leni? Hindi naman sana ;D

Totoong maraming David na nakapaslang ng Goliath at maraming underrated fighter na naka-knockout ng kampeon. Pero malalim din ang magiging sugat ng kabiguan – at maari pa ngang humantong sa political death. Hawak ng Malacañang ang lahat halos ng baraha – at bukas makalawa, puwede siyang sisantihin, o gawan ng kuwento.

HIndi nagtagal si Duterte sa pulitika dahil siya ay marangal – nagtagal siya sa pulitika dahil siya’y tuso.

Hindi ba’t bahagi rin ng sinumpaan ni Leni ang pagpapanday ng oposisyong sasangga sa mga kalabisan ng mga nakaupo sa poder? Saan pupulutin ang oposisyon kapag nabigo ang icon nito nang bigtime sa ICAD?

(Buntong hininga.) Sa kabila ng landmines sa landas ni Leni bilang co-chair ng ICAD, saludo kami sa tapang niya o kung ano man 'yan – tigas man ng ulo o tibay ng sikmura. Papasukin niya ang kuta ng mga leon (o ang den of 40 thieves, kung pakikinggan si co-chair Aaron Aquino sa testimonya niya laban kay Oscar Albayalde.) Sinabi rin ni Aquino na kabiguan ang naghihintay kay Robredo.

Dahil hindi niya kayang talikuran ang kahit na isang buhay na maisasalba mula sa madugong giyera laban sa droga, na sa buod ay giyera laban sa mahihirap.

Sa bandang huli, ang nasa laylayan ang nanaig sa puso ni Leni, hindi ang kanyang political survival.

Mawawakasan ba niya ang impunity? Siguro. Pero malaki rin ang posibilidad na hindi – at hindi lamang siya ang makapagpapasya riyan. Kailangan niyang makatuwang tayong lahat na nagmamahal sa hustisya at karapatang pantao – 'yun nga lang karamihan sa atin ay nasa bangketa at nangangatog pa ang tuhod.

Taimtim ang aming dasal na magiging tunay at wasto ang bawa’t hakbang ni Leni. 

At sana'y magdilang-anghel siya nang kanyang sinabi noong 2016 na “the last man standing is a woman.” – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>