Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Nasa DNA natin ang EDSA People Power

$
0
0

Mahirap hanapin ang bayani, mas madali matukoy ang duwag. 

Likas ba tayong matapang? Tila hindi, kung titingnan ang ilang laksang laban na inaatrasan natin sa araw-araw.

Likas ba tayong mapagbigay, gayung napakahusay natin sa gitgitan at balyahan?

Likas ba tayong maawain, gayong nagtataguyod tayo ng lipunang pinaghaharian ng gatilyo ng baril?

Likas ba tayong mapagmahal ng kalayaan gayung mabango pa rin sa bayan ang Presidenteng galit sa karapatang pantao, tumitira sa media, nagkukulong ng mga kaaway sa pulitika, at may polisiyang naghatid sa libingan ng libo-libong mahihirap? 

Pero andiyan ang matatapang na Pilipino tulad nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Juan Luna, Gabriela Silang, Ninoy Aquino, Jose Diokno, at Lorenzo Tanada. Andiyan ang mga OFW na nagtitiis sa ibang bansa upang maitaguyod ang pamilyang iniwanan. Andiyan ang mga guro sa pampublikong paaralang nagtitiis sa mababang pasahod dahil sa pagmamahal sa pagtuturo. Andiyan ang tugon natin sa kalamidad at trahedya: buong pusong pagtulong at pagdamay.

Totoong taglay ng Pinoy ang mga magkakatunggaling katangiang ito. Mayroon tayong “default behavior:” ang umatras, umiwas, at magkibit-balikat. Ang magpasensya. Ang umiwas ng tingin kapag may ibang inaalipusta o inaapi.  

Pero paminsan-minsan, kumukulo ang dugo at nagngangalit ang kamao. Paminsan-minsan, napupuno ang salop. Paminsan-minsan, nahuhubad ang takot at agam-agam. Paminsan-minsan, tumutugon tayo sa tawag ng kasaysayang baguhin ang landas ng pamayanan.  

Ayon kay Stanford psychology professor emeritus Philip Zimbardo, hindi magkaiba ang tila magkasalungat na ugali. They’re actually two sides of the same coin.”  

Tanong ni Zimbardo:  “Is it possible for ordinary people to be inspired and trained to be everyday heroes?” Posible bang daanin sa ehersisyo ang pagiging bayani?

Ayon sa propesor, maliliit na aksyon araw-araw “that make the world better,” magmula sa pamilya, paaralan, komunidad, at para sa bayan – ang susi sa kabayanihan. 

Ayon sa isa pang pag-aaral, may lohika ang aksyon ng mga tinitingnang bayani – nakikita nila ang long-term na ganansya sa panandaliang pagsasakripisyo. Paano ito mag-a-apply sa Pinoy? 

Sa panahong laganap ang masama — ang tinatawag na “banality of evil" – kailan magigising ang mga bayaning natutulog pa?

Talamak ang paggamit ng batas (lawfare) ngayon upang busalan ang dissent o pagtutol. Sa panahong binabansagang subersibo ang mga kritiko, mahalaga ang sikolohiya ng pagkabayani. 

“When the protector becomes the predator, where do you run?"‘Yan ang tanong ng dating education secretary na si Brother Armin Luistro sa kagaganap lang na forum tungkol sa paggamit ng batas sa pagsupil ng malayang boses. 

Isang linggo na lang at mapapaso na ang franchise ng network na ABS-CBN. Para sa Rappler, isang taon na mula nang sugurin ng mga Duterte Die-Dards (DDS) ang aming opisina – kasama na rin ang panawagan online na bombahin kami. 

Kaya't higit kailanman, relevant ang EDSA People Power ngayon na magdiriwang ng ika-34 na anibersaryo sa Martes, Pebrero 25. Ipinaaalala nito sa ating mga Pilipino ang nananalaytay sa ating dugo: ang ipagtanggol ang karapatan, ang ipaglaban ang tama, at pangalagaan ang kinabukasan ng ating mga anak.

Dahil anong kinabukasan mayroon sa isang bansang dumadausdos sa otokrasya? Ngayon pa lang, naaapektuhan na ang mga negosyo at maging ang dayuhang pamumuhunan. Ano ang kinabukasan sa isang Martial Law reboot?

Ito na nga ang panahon upang pag-usapan ang “pushback.” Nasa DNA natin ang paninindigan. Nasa DNA natin ang EDSA. Simulan na natin ang ehersisyo ng pagtulong, pag-ayuda, pakikilahok at pagmamalasakit.

Nasaan ang mga tagapagtanggol? Tayo 'yun! #CourageOn – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>