Salin mula sa Ingles: [ANALYSIS] 3 ideas on mass testing: Where, how, and why?
Ipinapakita ng iba't-ibang modelo sa matematika na sa simula ay may exponential na pagtaas ang bilang ng mahahawahan ng COVID-19. Kapag meron kang sapat na datos, magagawa mong malaman ang tinatawag ng mga epidemiologist na reproduction number na nagbibigay ng ideya kung gaano ito kabilis kumalat.
Siyempre, may hangganan din ang pagdami ng mahahawahan. Sa sandaling bumagal na ang pagdami, ang exponential ay mas akmang gawing logistic-curve o S-curve. Ang mahalaga: malaman natin ang hangganang ito, at maintindihan nang mas maaga kung mali o tama ang ating estratehiya sa pagpuksa at pagtigil sa pagkalat ng virus na ito. Sa mga sumusunod isasalarawan ko ang aking 3 ideya ukol sa mass testing.
UNA. Nasaan tayo ngayon? Kung exponential ang pagdami ng mga kaso dapat exponential din ang pagdami ng tests!
Ipinapakita sa unang graph na malalaman kung ilan ang inaasahang iuulat na kaso batay sa kung ilan na ang nagawang tests – tamang ratio at proportion lang sa exponential projected growth kasabay ng paggamit din ng bilang ng nagawang tests. Ang pagdami ng bilang noong Sabado, Marso 28, na 272 COVID-19 mula sa 96 noong nakaraang araw, March 27, ay dala ng pagdami ng nagawang tests na 399 mula sa dating 140. Halos pareho lang ang ratio na 272/399 sa 96/140 ~ 0.68.
Ang inaasahang COVID-19 cases mula Marso 29 hanggang Abril 4 ay depende sa kung ilan ang tests na magagawa. Kung 400 ito kada araw mula Marso 29, nasa 1,259 cases ang inaasahan kong iuulat ng DOH; sa Martes, Marso 31, inaasahang aabot ito ng 1,629.
Kung mapaabot ng 1,000 ang mga tests bawa't araw, aabot ang COVID-19 cases sa March 29 sa 1,722, at sa Marso 31 ay 2,648. Kung magkaroon bigla ng himala at magagawa nating matapos ang "backlog" (base sa kalkulasyon dito) na halos 49,400 tests, sa pag-abot ng Marso 31, ang magiging positive na ire-report ay aabot nang halos 23,000. [Figs 1 at 2]
PANGALAWA. Ilan ang kailangang gawing tests para makita kung exponential growth pa rin?
Napakarami. Ang backlog natin nitong Sabado, Marso 28, ay 17,000 na, base sa kalkulasyon dito gamit ang mga nasabi sa UNA. Sa Marso 31 aabot ito nang halos 50,000 na, at sa Abril 3 ay halos 100,000. Kung 2-3 test kits ang ginagamit sa bawa't pasyente, kailangan natin ng 200,000-300,000 test kits sa Abril 3 para makita ang exponential growth.
Kung talagang mas mababa sa 23,000 na positive cases ang lumabas, baka nga hindi na exponential ang tinatahak natin at nananalo na tayo sa laban kontra COVID-19. Pero kung humigit ito sa 23,000, ibig sabihin dumodoble ang bilang nang mas mabilis pa sa kada 2.15 na araw at baka kulang pa ang tests na ginagawa natin. [Fig 3]
PANGATLO. Bakit dapat mag-mass testing?
- Bakit hindi? Kailangan nating maintindihan na kung di natin ito gagawin, mamamatay ang mga pasyente bago pa man nila malamang may COVID-19 pala sila at mananakawan sila ng karapatang mabuhay. Sa kasalukuyan, 50% na nang namatay sa COVID-19 ang inabot ng 3 araw bago nakumpirma kung positibo o negatibo ang kanilang mga kaso. May isa pa ngang 10 araw nang patay bago makuha ang resulta (ayon sa isang ABS-CBN report). Ang average na namamatay sa bawa't kasong naiuulat sa Pilipinas ay halos 7% mula Marso 13 hanggang Marso 28, kung saan halos nagiging stable na ang bilang. Pito ang patay sa 100 na mga naiulat na may COVID-19. Halos 50% ang taas nito sa global average na 4.6% (28,000/614,000). [Fig 4]
B. Mas marami ang mahahawa kung hindi natin malalaman kung ilan talaga ang may COVID-19 sa katawan at maaaring maging hindi "optimal" ang ating estratehiya sa quarantine. Kailangang magka-ideya tayo ng kung anong bahagi ng ating populasyon ang di nagpapakita ng mga sintomas pero nakahahawa pala.
C. Mas matagal nating malalaman kung kailan puwede nang tanggalin ang community quarantine at kailan puwedeng bawasan na ang ating paghihirap na baka hindi naman pala kailangan. Malaki ang maitutulong nito sa ating ekonomiya at sa ating pangkalahatang kalusugan, pisikal, at pang-kaisipang kalagayan. Magagawa nating gawing normal ang buhay ng ilan sa mga komunidad para makatulong sila sa produksiyon sa agrikultura o gawaing pang-kalusugan.
Sa pangkalahatan, magandang makita natin ang tamang estratehiya para mabalanse ang mga sumusunod: una, kalusugan ng ating kababayan (mental at pisikal, lalo na ang ating frontliners na ating lubos na pinasasalamatan); at pangalawa, ang ating ekonomiya.
Ang sapat at tamang datos ang magbibigay sa atin ng mas malinaw na paraan ng pagkilos upang maibsan ang dalamhati at mapanatili ang pag-asa ng ating mga kababayan. – Rappler.com
*Si Christopher Monterola ay isa sa mga Chairs sa Data Science ng Aboitiz, sa Aboitiz School of Innovation, Technology and Entrepreneurship ng Asian Institute of Management.