Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] Nada de coco? Nada rin sa puso at malasakit

$
0
0

Malamang nakita niyo na ang mga memes: nada de coco.  

I never meant to harm anyone. Hindi ko alam na may resulta na ako, I immediately left.” ‘Yan ang lampang paliwanag ni Senador Koko Pimentel na lumabag sa containment protocol at nagpunta sa ospital. Opo, sa ospital kung saan naroon ang mga immunocompromised at madaling mahawahang pasyente, ang mga buntis, at mga sanggol. 

Tinawag siyang “irresponsible and reckless” ng Makati Medical Center. Tulad ng ibang pagamutan, hindi makagulapay ang Makati Med sa dami ng kaso ng hinihinalang coronavirus disease o COVID-19 maliban pa sa normal na dagsa ng maysakit. Ayon sa pamunuan ng ospital, “empty rhetoric” o pabalat-bunga lang ang mga nakaraang pahayag ni Pimentel na nag-uudyok sa mga kababayan na sumunod sa enhanced community quarantine (ECQ) o lockdown protocol. Plastik. 

Hindi ang pagiging “nada de coco” o ang hindi paggamit ng kokote ang pinakamalaking kasalanan ni Koko, kundi ang kawalan ng puso. Nasaan ang puso ng anak ni Nene Pimentel na nahalal dahil na rin sa taginting na apelyidong sumikat sa paglaban sa diktadurang Marcos? Nasaan ang pagmamalasakit sa kapwa Pilipino ng isang kagalang-galang na senador at dating Senate president? Nasaan ang puso ng isang kaalyado ng Presidente ng Pilipinas?

Dahil hanggang sa COVID-19, may mahirap at mayaman. May pangkaraniwang tao at may nasa poder. 

Tulad ng mga opisyal ng gobyernong hindi pumila at tinratong VIP ng Department of Health sa testing ng COVID-19. Siningitan pa nila sa pila ang mga taong may matinding sintomas ng coronavirus. 

Kaugnay na tanong: Akala ba ng ilang mga opisyal sa mga sangkot na ahensya na behikulo ang COVID-19 crisis upang magpabango kay Digong at makatakbo sa sususod na eleksiyon?

Hindi ba nag-a-apply sa mga nasa poder ang batas at alituntuning ipinatutupad sa ating mga hampas-lupa? Ang mga pasaway sa Quezon City ay hinahataw ng pamalong kawayan. Ang mga batang lumalabas sa oras ng curfew ay isinisilid sa kabaong para magtanda. Ibinibilad sa katirikan ng araw ang mga taong nahuli sa kalye sa gabi sa Parañaque. Pero ang mga mayayaman at makapangyarihan tulad ni Koko ay dapat tinatrato na puno ng “compassion.”

Nakakahiya sa mga medical frontliners ang asta nina Koko sampu ng mga iresponsableng opisyal na nag-negative pero lumabag pa rin sa protocol. Tulad ni ACT-CIS Representative Eric Yap na chairman ng House appropriations committte na nakipag-meeting pa sa Malacañang kahit na umiiral na ang ECQ. 

Nakapanliliit sa harap ng sakripisyo ng mga doktor, nurse, medical personnel, at maging janitor at guwardyang nagtataya ng buhay at kalusugan sa mga ospital na umaapaw na sa kapasidad. 

Silang hinaharass at sinasabuyan ng bleach sa mukha. Silang pinalalayas sa mga karinderya.

Silang hindi makauwi sa kanilang mga bahay, hindi mayakap ang pamilya dahil sa kanilang sinumpaang tungkulin. 

Silang puyat, pagod, at gutom sa ngalan ng serbisyo publiko. Silang nahawahan at namatay.

Maraming paraan para makatulong at hindi kumuyakoy na lamang at mag-internet sa bahay. Maraming paraan para pantayan ang kanilang alay sa bayan.

Dahil ang laban sa COVID-19 ang bagong giyera at ang medical frontliners ay ang ating mga sundalo at bayani. #CourageOn. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>